MANILA, Philippines- Arestado ang isang High Value Individual na pusher na nahulihan ng mahigit sa P4.2 milyong halaga ng shabu kasabay ng pag-rescue sa kasabwat nitong dalawang totoy na estudyante sa isinagawang buy-bust operation sa Caloocan City, napaulat kahapon.
Ayon kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, alas-5:56 ng umaga nang madakip ng mga tauhan ni P/Capt. Regie Pobadora, hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) si alyas “Khadapi”, 50, residente ng lungsod habang na-rescue naman ang dalawang kasabwat niyang totoy na edad 17 at 15, kapwa estudyante.
Nakumpiska sa suspek ang nasa 625 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P4,250,000 at buy-bust money na isang tunay na P1,000 bill at 24 pirasong P1,000 boodle money.
Bago ang pagkakaaresto sa suspek, nakatanggap na ng impormasyon ang mga operatiba ng DDEU hinggil sa umano’y malakihang pagbebenta ng shabu ni alyas Khadapi kaya isinailalim nila ito sa validation.
Matapos matiyak na positibong nagbebenta ng shabu ang suspek, sinimulan ang buy-bust operation sa pangunguna ni Capt. Pobadora katuwang ang mga tauhan ng SS14 at Special Weapons and Tactics (SWAT) team ng Caloocan police na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek sa Domato St., Brgy. 188.
Sasampahan ng pulisya ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya ng Caloocan City.
Pinuri naman ni Col. Ligan ang mga operatiba sa ipinakita nitong propesyonalismo, dedikasyon, at pambihirang pagganap sa naturang operasyon.
“This significant seizure is a direct result of our relentless efforts to dismantle illegal drug operations within our jurisdiction. The NPD remains steadfast in its commitment to implementing the NCRPO AAA Strategy – Able, Active, and Allied under the leadership of Acting Regional Director PBGEN Anthony Aberin,” pahayag ng opisyal. Merly Duero