SOUTH KOREA – Sinabi ng antitrust regulator ng South Korea na oobligahin na nito ang mga food maker at supplier na abisuhan ang mga mamimili kung nagbawas pa ito ng laki ng kanilang produkto.
Ang bigong makagagawa nito ay pagmumultahin na ng hanggang 10 million won o USD7,300.
Sinabi ng Fair Trade Commission (FTC) na ilang mga negosyante ang nagbabawas ng kanilang mga produkto para mapanatili ang kaparehong presyo, na tinatawag na “shrinkflation.” Tinukoy ito ng FTC bilang isang “unfair transaction” na may kaukulang multa.
Karamihan sa mga processed food makers at manufacturer ng household supplies katulad ng toilet paper, shampoo, at detergents ay kailangang maglagay ng label sa loob ng tatlong buwan kung sila ay magda-downsize ng kanilang mga produkto.
Ang kautusan ay eepekto sa Agosto, o matapos ang three-month grace period. Ang mga lalabag dito ay magmumulta ng 5 million won para sa first offense at 10 million won sa second offense.
“The change was aimed at preventing a situation where companies reduce the size, standard, weight or quantity of their products without sufficient notice so that consumers unknowingly bear a substantial price increase,” saad sa pahayag ng FTC. RNT/JGC