Home NATIONWIDE LTO naglunsad ng hotline sa online scams, traffic violations

LTO naglunsad ng hotline sa online scams, traffic violations

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO) nitong Sabado, Mayo 4 na naglunsad sila ng hotline para sa mga reklamo tungkol sa traffic violations maging ang mga online scam.

Ayon kay LTO Assistant Secretary Vigor Mendoza II, hindi lamang tutugunan ng hotline ang mga phishing scam ngunit maging ang mga abusado at pasaway na motorista sa kalsada.

Ani Mendoza, layon ng “Aksyon on the Spot” hotline na siguruhin ang mabilis na tugon ng pamahalaan laban sa mga pasaway na motorista na ayon na rin sa kautusan ni Transportation Secretary Jaime Bautista.

Hinihikayat ang publiko na magpadala ng mensahe sa 0929-2920865 kung makasalamuha nila ang isang abusado o pasaway na motorista sa kalsada.

Mamimigay din ang mga tauhan ng LTO ng mga sticker sa mga motorista, maging sa mga nagre-renew ng license registration ng kani-kanilang mga sasakyan.

“We guarantee our countrymen that any information that they will give us through the hotline shall be treated as confidential and protected by our Data Privacy law. We encourage the public to inform us of any abusive behavior on the road and we’ll take care of action,” ani Mendoza.

Nitong Biyernes, nagbababala ang LTO sa publiko tungkol sa mga online scammer na nambibiktima kung saan hinihingi nila ang mga pribadong financial information ng mga biktima para bayaran ang umano’y multa mula sa traffic violation. RNT/JGC