Home NATIONWIDE Foreign carrier na may sakay na 7 Chinese crew sumadsad sa Zambales

Foreign carrier na may sakay na 7 Chinese crew sumadsad sa Zambales

MANILA, Philippines – Sumadsad sa hindi pa natatapos na pier ang isang foreign carrier na may sakay na pitong Chinese crew sa katubigan ng Barangay Maloma sa Zambales nitong Mayo 29.

Sinabi ni Commander Euphraim Jayson Diciano, ng Philippine Coast Guard (PCG) station sa probinsya na inaprubahan nila ang kahilingan mula sa Sierra Leone-flagged MV Hyperline 988 upang i-secure ang sasakyang-dagat at ang mga tripulante nito mula sa tumitinding alon.

Ang barko ay pinayagan din na magpalit ng anchorage sa katubigan ng Barangay Bolitoc sa bayan ng Sta. Cruz.

Iniulat ni Diciano na habang papaalis na ang barko sa hindi pa natapos na daungan, sumadsad ito dahil sa malalaking alon.

Naobserbahan din ng mga tauhan ng PCG ang mga tripulante ng China na nagtipon sa isang gilid ng barko at nakipag-ugnayan sa pamamagitan ng mga senyales ng kamay na pinaplano ng kapitan na abandonahin ang barko.

Ibinaba ang mga crew ng barko kung saan dumating naman ang tauhan ng municipal health office sa lugar upang magsagawa ng medical examination sa mga crew na lahat ay nasa maayos na kondisyon.

Sinabi ni Diciano na kinontak na ang salvage company upang maretrieve ang barko.

Ang barko ay pinigil noong Mayo 16 dahil sa 21 na mga kakulangan na natuklasan sa isang hindi awtorisadong pag-angkla sa Barangay Sindol sa San Felipe.

Noong Mayo 25, pinayuhan ng PCG ang vessel master na sumilong dahil sa paparating na bagyo.

Dahil wala nang ibang ligtas na lugar sa lalawigan para masilungan ang barko, inatasan ng PCG ang mga tripulante na pag-usapan ang posibilidad na sumilong sa Philippine Ports Authority (PPA) sa Maynila, ngunit mas pinili ng barko na manatili sa Sindol dahil sa mataas na anchorage fees sa Maynila.

Noong Mayo 28, ipinaalam ng vessel master sa PCG ang kanilang layunin na i-convert ang barko mula sa lahat ng Chinese tungo sa lahat ng Filipino crew, ngunit tinanggihan ang kahilingan. Jocelyn Tabangcura-Domenden