Home NATIONWIDE Foreign deposit account exempted sa buwis – SC

Foreign deposit account exempted sa buwis – SC

MANILA, Philippines – Hindi kasali sa mga pinapatawan na estate tax ang mga foreign currency deposit account.

Nakasaad sa desisyun ng SC Third Division na batay ito sa ilalim ng Republic Act No. 6426 (RA 6426) o ang Foreign Currency Deposit Act of the Philippines.

Kinatigan ng First Division ang hiling para sa refund ng binayarang estate tax na inihain ng estate ni Charles Marvin Romig (Charles), isang American national na nanirahan sa Puerto Galera, Oriental Mindoro.

Namatay si Charles noong 2011 nang hindi nag-iwan ng huling habilin. Nilipat ni Maricel Narciso Romig (Maricel), ang nag-iisang tagapagmana, ang pagmamay-ari ng mga ari-arian ni Charles sa kanyang sarili, kabilang ang isang dollar deposit account.

Sa pag-compute ng estate tax, hindi naisama ni Maricel ang dollar deposit account kaya nagbayad siya ng dagdag na PHP 4.56 milyon para maisama ito. Pero kalaunan, humingi siya ng refund dahil batay sa section 6 ng RA 6426, exempt ang foreign currency deposit account sa estate tax.

Tinanggihan ng Commission on Internal Revenue ang kanyang refund claim, dahil binawi na umano ng 1997 National Internal Revenue Code (NIRC) ang tax exemption sa mga dollar deposit account. Pero nagdesisyon ang Court of Tax Appeals (CTA) pabor kay Maricel.

Pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng CTA. Nilinaw ng Korte na ang isang pangkalahatang batas, gaya ng NIRC, ay hindi maaaring bawiin ang ipinagkaloob na tax exemption na ibinigay ng isang special law, tulad ng RA 6426, nang walang malinaw at tahasang probisyon sa pagpapawalang-bisa.

Dagdag pa ng Korte, dinisenyo ang RA 6426 para makaakit ng mga foreign investment sa pamamagitan ng pag-exempt ng mga foreign currency account mula sa lahat ng buwis. Teresa Tavares