Home NATIONWIDE P3-B cold storage facility para sa gulay, pananim itatayo ng DA

P3-B cold storage facility para sa gulay, pananim itatayo ng DA

MANILA, Philippines – UPANG mabawasan ang pagkasira ng gulay at pananim sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Lunes na naglaan sila ng P3 Bilyon para sa pagtatayo ng 99 cold storage facilities na makakabawas sa pagkasira at pag-aaksaya ng mga prutas, gulay at mga high-value crops.

Sinabi ng DA na ang pagtatayo ng mga pasilidad ng mega-cold storage ay naka-target na magsimula sa taong ito at inaasahang tatagal ng humigit-kumulang 18 hanggang 22 buwan pagkatapos maigawad ang kontrata.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., “Sa pamamagitan ng pagpapabuti ng cold chain infrastructure, palalakasin natin ang sektor ng agrikultura, bawasan ang pagkalugi sa sakahan, pahabain ang shelf life ng mga produktong pang-agrikultura, patatagin ang supply at presyo, at masisiguro ang food security.”

Nabatid pa sa kagawaran na sa P3-bilyong budget, ang P1.5 bilyon ay mula sa hindi nakaprogramang pondo noong 2024 at ang kalahati ay bahagi ng budget ng DA para sa 2025.

“Ang mga hindi nakaprogramang pondo ay gagastusin para magtayo ng humigit-kumulang 65 maliit o modular chiller-type cold storage facility sa buong bansa at isang malaking cold storage facility na itatayo sa Camarines Sur,” ani Tiu Laurel.

Kaugnay nito ang renewable energy sources tulad ng solar at wind ay ta-tap para sa power supply ng mga refrigerated warehouses.

Samantala, ang 40-foot modular refrigerated warehouses ay magkakaroon ng kapasidad na nasa pagitan ng 7 hanggang 15 metric tons at inaasahang gagana sa loob ng tatlong buwan ng konstruksyon.

Sinabi ng DA na ang cold storage project ay bahagi ng isang komprehensibong logistics master plan na kinabibilangan din ng isang matatag na network ng kalsada, agricultural seaports, at isang integrated cold chain network upang i-streamline ang pamamahagi ng mga produktong pang-agrikultura sa bansa. (Santi Celario)