Home NATIONWIDE Pinas umutang ng $500-M sa ADB; kasanayan ng PH labor palalakasin

Pinas umutang ng $500-M sa ADB; kasanayan ng PH labor palalakasin

MANILA, Philippines – Naglaan ang Asian Development Bank (ADB) ng $500 milyong pautang sa Pilipinas upang pondohan ang mga programa sa pagsasanay sa trabaho, na naglalayong pataasin ang bilang ng pormal na empleyo at pagbutihin ang kalidad ng mga trabaho.

Ang Business and Employment Recovery Program-Subprogram 2 ay magbibigay ng mga kasanayang kinakailangan sa industriya tulad ng artificial intelligence, software development, at business process management.

Layunin din ng programa na palakihin ang bilang ng kababaihan sa workforce sa pamamagitan ng technical at vocational education.

Ayon kay ADB Philippines Country Director Pavit Ramachandran, bumuti na ang employment post-pandemic ngunit may problema pa rin sa underemployment.

Target ng gobyerno na lumikha ng 600,000 hanggang 700,000 bagong trabaho sa pribadong sektor taun-taon upang itaas ang share ng private-sector employment sa 51% mula 49% noong 2019.

Kasama rin sa programa ang pagsasanay para sa 5,000 displaced workers at pagpapalawak ng JobStart Philippines para sa mga kabataang wala sa paaralan at trabaho.

Ang pautang ay may mas magaan na terms kaysa sa commercial loans, na may 15 taong bayaran at 3 taong grace period. Ang halagang ito ay idadagdag sa P16.09 trilyong utang ng Pilipinas noong Nobyembre 2024. RNT