MANILA, Philippines – Iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian na gawing mandatory ang libreng assessment sa lahat nagsipagtapos sa technical-vocational strand sa senior high school upang maingat ang kanilang kahandaan sa trabaho at mabigyan ng national certifications (NCs).
Sa kanyang interpellation sa panukalang pondo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), pinuna ni Gatchalian na hindi pa ginagawang mandatory sa mag–aaral ng SHS-TVL ang libreng assessment para sa NCs kahit sapat ang pondo sa 2024 national budget.
Sa taong ito, P438.162 milyon ang inilaan sa TESDA Regulatory Program para sa libreng assessment ng mag-aaral sa Grade 12 sa ilalim ng TVL track.
Balak ng TESDA na maglabas ng joint memorandum circular kasama ang Department of Education (DepEd) upang i-require ang mga mag-aaral ng SHS-TVL na sumailalim sa assessment.
“Suportado ko ang mandatory assessment ng ating mag-aaral sa senior high school sa ilalim ng TVL track at aabangan natin ang paglagda sa joint memorandum circular na magpapatupad nito. Naniniwala ako na susi ito upang makakuha ng maayos na trabaho ang ating mga mag-aaral,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Isinulong ni Gatchalian ang paglalaan ng pondo sa 2024 national budget upang pataasin ang certification rates ng mag-aaral sa SHS-TVL. Para sa mga School Year 2019-2020 at 2020-201, umabot lamang sa 25.7% at 6.8% ang certification rate sa mga TVL graduates ng senior high school.
Binabaan ng TESDA at DepEd ang target upang mag-certify ng 197,077 na mga mag-aaral sa Grade 12 SHS-TVL ngayong taon.
Bagama’t mas mababa ito ng 53% sa target na 420,967 graduates para sa Fiscal Year 2024, nagbabalak naman ang TESDA na isama sa assessment ang mga graduate mula sa mga nagdaang school year upang tumaas ang mga certification rates.
Nitong ika-5 ng Nobyembre, 926 sa 1,039 na mag-aaral na sumailalim sa assessment ang nakapasa at nakatanggap ng certification.
Sa ilalim ng General Appropriations Bill para sa fiscal year 2025, (House Bill No. 10800), P496.6 milyon ang nakalaan para sa libreng assessment at certification ng mag-aaral sa SHS-TVL. Ernie Reyes