Home NATIONWIDE Freeze order vs 135 bank accounts ng sangkot sa flood control anomaly,...

Freeze order vs 135 bank accounts ng sangkot sa flood control anomaly, inilabas ng AMLC

246
0

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) nitong Martes na naglabas ng freeze order ang Court of Appeals laban sa 135 bank accounts at 27 insurance policies ng mga indibidwal at kompanyang sangkot sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Ayon kay AMLC executive director Atty. Matthew David, inilabas ang kautusan matapos ang hiling ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Nakikipag-ugnayan din ang AMLC sa Ombudsman, BIR, at NBI para siyasatin ang mga transaksyon.

Noong nakaraang linggo, sinabi ni David na iniimbestigahan na rin ang mga casino matapos ibunyag ni Sen. Panfilo Lacson na ang tinaguriang “BGC Boys,” dating mga engineer ng DPWH at mga contractor, ay umano’y nag-cash in ng bilyon-bilyong piso mula 2023 hanggang 2025.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na 20% ng ₱545-bilyong pondo para sa flood control projects ay napunta lamang sa 15 kontratista.

Dahil dito, bumuo ang pamahalaan ng Independent Commission for Infrastructure na pinamumunuan ni dating SC Justice Andres Bernal Reyes Jr. upang tiyakin ang pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here