MANILA, Philippines – Umugong sa Kamara ang paghahain ni House Speaker Martin Romualdez ng leave of absence bilang Speaker sa harap ng kontrobersiya sa isyu ng anomalya sa infrastructure projects, kung saan si Deputy Speaker Faustino “Bojie” Dy ang inilulutang na aaktong Speaker.
Sinasabing nagtungo si Romualdez sa Malacañang kaugnay ng change of leadership sa Kamara subalit hindi umano pabor sa suhestiyon na si Dy ang umupong caretaker.
Wala namang kumpirmasyon sa nasabing report.
Gayunpaman, nang hingan ng reaksiyon, sinabi ni Navotas Rep. Toby Tiangco na hindi maaaring magtalaga ng caretaker ang mismong Speaker na magle-leave of absence.
“Sa rules ng House, walang eksaktong nakasulat na leave, ang nakalagay ay temporary vacancy. Kapag mayroong temporary vacancy, hindi pwedeng magtalaga kung sino ang susunod na Speaker kundi boboto ang mga Deputy Speaker ng hihiranging acting Speaker,” paliwanag ni Tiangco.
Ganito rin ang paliwanag ni Bacolod Rep. Albee Benitez. Aniya, maaaring magtalaga ng acting Speaker sa pamamagitan ng pagboto ng mga Deputy Speaker o sa pamamagitan ng draw lots kung walang mapipili ang mga ito.
Sinasabing ang pagbaba ni Speaker Romualdez ay mangyayari sa sesyon ng Kamara bukas, Setyembre 17, ilang araw bago ang nakaiskedyul na Setyembre 21 rally.
Sa ambush interview ng mga mamamahayag kay Tiangco, sinabi nito na wala siyang interes sa posisyon ni Romualdez.
Inamin niya na madalas silang mag-usap nina Benitez at Cebu Rep. Duke Frasco, subalit ang kanilang pag-uusap ay kung paano masosolusyunan ang problema upang maibalik ang tiwala ng mga tao sa House of Representatives at sa mga kongresista.
“We cannot do change just for the sake of changing. Kaya ang conclusion naming tatlo, sa tingin ko, on my own humble opinion, kung magpapalit, hindi pwedeng sa Speaker lang,” ani Tiangco.
Aniya pa, dapat magkaroon din ng pagpapalit sa mga Deputy Speaker at sa mga sensitibong committee.
“Sa mga sensitive committees lang, hindi lahat ng committee chairman, kasi masyadong magulo,” dagdag pa ni Tiangco.
Nilinaw pa ni Tiangco na hindi numero ang basehan sa pagpapalit ng House leadership.
“Ang realidad sa Speakership, ang importanteng numero ay wala sa House of Representatives. We should accept the fact that the most important vote is not inside the House. Walang gagalaw dito out of respect sa Malacañang, so ‘yun ang iniintay ng lahat,” dagdag pa ni Tiangco.
Una nang nagpalabas ang mayorya ng mga mambabatas ng kanilang suporta sa patuloy na liderato ni Romualdez. Gail Mendoza