MANILA, Philippines – Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pakikipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBI), ang isang awtorisadong lotto outlet makaraang mapag-alamang ginagamit nito ang kanilang lisensya mula sa gobyerno upang magpatakbo ng ilegal na pasugalan.
Ito ang napag-alaman mula sa isang undercover ng operatiba ng PCSO-NBI nang salakayin nila ang isang lisensyadong booth ng lotto sa Caloocan City na matatagpuan sa Block 1, Lot 7, Camarin Road, Almar at usisain ang nadakip na lotto teller hinggil sa paggamit ng mga ito sa establisimiyento bilang front ng iligal na sugal sa nasabing lungsod.
Sa pangunguna ni Chief Palmer U. Mallari ng NBI Fraud and Financial Crimes Division (NBI-FFCD), ay natukoy nito ang nasabing lotto outlet matapos isailalim sa pagmamanman at test-buy kung saan ang mga tauhan ng outlet ay nagbigay ng mga iligal na tiket at tumanggap ng mga bayad sa taya sa pamamagitan ng GCash sa halip na mga karaniwang transaksyon sa terminal.
Bunga nito, inaresto ng mga awtoridad ang teller ng outlet dahil sa pagbibigay ng mga iligal na resibo.
Kinumpiska ng mga awtoridad ang pera mula sa pustahan na tinatayang P5,000, isang iligal na tiket, at isang mobile phone na ginamit para sa mga operasyon ng point-of-sale, kasama ang isang malawak na imbentaryo ng gaming hardware at terminal paraphernalia.
Nakumpiska rin ang mga operatiba ng iba’t ibang kagamitan, mobile devices, pera, at mga opisyal na resibo na ginamit bilang front para sa isang ilegal na laro ng numero.
Isang paunang imbentaryo ng mga nasamsam na item ang nagpakita na kinumpiska ng mga operatiba ang hardware ng lotto terminal ng establisimyento, kabilang ang A10 PC monitor, isang central display unit (CDU), isang optical scanner, isang handheld barcode scanner, isang printer, at isang network modem.
Nakuha rin mula sa lugar ang 25 rolyo ng thermal receipt paper, pitong kahon ng ticket rolls na sumasaklaw sa mga pangunahing draw, kabilang ang 3D Lotto, Grand Lotto 6/55, Super Lotto 6/49, at 6D Lotto, kasama ang dalawang form ng pag-aayos ng ahente, at isang buod ng mga bayad at kinanselang tiket.
Pinagtibay ni PCSO General Manager Melquiades A. Robles ang matatag na posisyon ng ahensya laban sa mga accredited agents na inaabuso ang kanilang mga prangkisa upang mapadali ang iligal na sugal.
Binigyang-diin ni Robles na masidhi ang ginagawang effort ng charity agency at ng NBI sa pagmamanman sa mga prangkisa ng lotto upang mapangalagaan ang kita ng bansa, mapanatili ang integridad ng operasyon, at maprotektahan ang tiwala ng publiko.
Hinimok ng PCSO ang publiko na maglagay ng kanilang mga taya sa pamamagitan lamang ng mga lehitimong terminal networks at iulat ang mga outlet na gumagamit ng mga alternatibong payment apps o nag-iisyu ng kahina-hinalang resibo nang direkta sa mga awtoridad ng pagpapatupad ng batas o sa PCSO. Merly Duero