BACOLOD CITY- Iniwan ang sakong naglalaman ng frozen na parte ng katawan ng tao sa harap ng National Bureau of Investigation (NBI) office sa Bacolod City nitong Biyernes ng umaga.
Kabilang sa nadiskubreng bahagi ng katawan ang kaliwang braso, kaliwang binti at dalawang tenga, ani Bacolod Police Station 2 chief Maj. Glenn Montaño. Iniwan ang mga ito sa harap ng NBI office sa kahabaan ng Aguinaldo Street bandang alas-5:45 ng umaga.
Kalakip nito ang maiksing sulat: “William de Arca NBI protector ni Hanz Lopez drug lord.”
Ani NBI-Bacolod chief Renoir Baldovino, mula nang maitalaga siya sa Bacolod noong 2017, wala siyang natanggap na ulat na sangkot si Special Investigator William de Arca sa illegal drugs trade.
Si De Arca ang team leader ng dalawang NBI Bacolod operations laban sa illegal gambling, kabilang ang E-Sabong at pekeng Small Town Lottery operations, ngayong buwan, dagdag niya.
Ani Baldovino, ang huling NBI Bacolod operation laban sa illegal drugs ay noong 2021.
“We have been focusing on illegal gambling” giit ni Baldovino.
Anang opisyal, posibleng paraan lamang ito upang ilihis siraan si de Arca at ang NBI Bacolod.
Sinabi pa niya na wala silang “Hanz Lopez” na natukoy bilang drug personality sa kanilang drug list at intelligence reports.
Base kay Baldovino, iniulat nila ang nadiskubreng body parts sa NBI head office sa Manila habang nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Bacolod Police Station 2. Dinala ang mga ito sa ABE Funeral Parlor sa Bacolod City para sa wastong disposisyon.
Natuklasan ng isang NBI job order employee ang sako sa tabi ng isang NBI vehicle sa gilid ng kalsada.
“It is possible that the body parts came from a funeral parlor. These had no bloodstains and were cold, like they came from a freezer,” ani Baldovino. RNT/SA