Home METRO NAIA pinaiinspeksyon kasunod ng nag-viral na surot, daga sa mga terminal

NAIA pinaiinspeksyon kasunod ng nag-viral na surot, daga sa mga terminal

MANILA, Philippines- Matapos mag-viral ang video ng mga “surot” at isang daga sa social media, iniutos ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang inspeksyon sa lahat ng NAIA terminals.

Ang naturang kautusan ay matapos mag-post ng isang video sa social media ang isang pasahero na papuntang Singapore nitong Biyernes ng isang daga na tumatakbo sa mga ceiling light fixtures sa NAIA Terminal 3 Gate 102.

Dahil dito, agad na inatasan ni MIAA General Manager Eric Inse ang pamunuan ng NAIA Terminal 3 na agad magsagawa ng inspeksyon sa partikular na lugar kung saan namataan ang nag-viral na daga.

Sinabi ni Ines na kinokonsidera nila ang food concessionaires bilang posibleng dahilan ng pagkakaroon ng mga daga sa nasabing terminal.

Bunsod nito, ipinag-utos din ni Ines ang pagrepaso sa mga kontrata ng NAIA sa pest control companies kasabay ng pagtitiyak nito sa mga pasahero na araw-araw nililinis ang mga terminal ng NAIA.

Nanawagan naman si Ines sa mga pasahero na agad ipagbigay-alam sa mga tauhan ng NAIA kung makakita ng mga peste sa loob ng paliparan.

Aniya, bawat terminal ay may mga naka-deploy na mga response teams 24/7. JAY Reyes

Previous articlePasabog ni Annabelle, ‘supot’!
Next article‘Frozen’ na parte ng katawan ng tao nadiskubre sa harap ng NBI Bacolod office