Bulacan – Sa inisyatiba ni Mayor Jem Sy, ipinatutupad ng Pamahalaang Bayan ng Marilao ang mga hakbang para sa Fuel Conservation and Energy Efficiency sa lahat ng tanggapan ng kanilang munisipyo.
Sa ulat, ang Memorandum No. 2026-13 na inilabas ng Tanggapan ng Punong Bayan ng Marilao noong Marso 2, 2026 ay naglalayong ipatupad ang mga hakbang para sa pagtitipid sa paggamit ng fuel at pagpapahusay ng energy efficiency sa lahat ng tanggapan ng nasabing pamahalaang bayan.
Ipinadala ang memo sa lahat ng Department, Section Heads at sa mga empleyado ng munisipyo para sa responsableng paggamit ng enerhiya at matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mga serbisyonv pampubliko.
Nabatid na ang maagap na aksyon ay bahagi ng pagsuporta sa Government Energy Management Program, alinsunod sa Republic Act No. 11285.
Sinasabing ang pagpapatupad na ito ay bunsod ng mga kasalukuyang pangyayari na nakakaapekto sa pandaigdigang suplay at presyo ng petrolyo, kabilang ang tensyong geopolitikal sa Middle East na maaaring makaapekto sa produksyon at distribusyon ng langis.
Kabilang sa ipatutupad ang pagbabawas ng paggamit ng fuel sa mga government vehicles, generators, heavy equipments at iba pang makinang gumagamit ng petrolyo.
Mahigpit ding ipatutupad ang trip ticket system para sa mga opisyal na sasakyan, pagsasama-sama ng mga field activities upang maiwasan ang hindi kinakailangang biyahe at pansamantalang pagsuspinde ng mga non-essential official travel.
Samantala, hinihikayat din ang mga tanggapan na gumamit ng mga alternatibong paraan ng pagtatrabaho tulad ng online meetings, remote work arrangements at straggered work schedules upang makatulong sa pagbawas ng konsumo ng fuel at enerhiya. Dick Mirasol III