Home NATIONWIDE Fuel subsidies ipamamahagi sa Abril – DOTr

Fuel subsidies ipamamahagi sa Abril – DOTr

178
0

MANILA,Philippines — Magpapatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ang Department of the Interior and Local Government sa mga tanggapan nito at sa mga lokal na pamahalaan upang mabawasan ang posibleng epekto ng lumalalang sigalot sa Middle East sa ekonomiya.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa mga miyembro ng gabinete na magpatupad ng austerity measures.

Nilinaw ni Remulla na hindi kabilang dito ang work-from-home arrangement at sa halip ay tututok sa pagbabawas ng hindi kinakailangang gastusin, partikular sa mga seminar at awarding ceremonies.

“Ibang issue kasi ‘yun. Marami kasing wastage sa amin—‘yung mga seminar, ‘yung mga awarding magre-renta ka ng buong hotel. Ang dami ng gastos ng aming department sa ganyan so we are gonna cut back on a lot of those things,” aniya.

Dagdag pa niya, paiigtingin din ng departamento ang inventory at procurement practices. Bilang bahagi ng pagtitipid, gagawin na lamang kada tatlong taon ang pagbibigay ng Seal of Good Local Governance awards mula sa dating taunang seremonya.

Samantala, sinabi ng Department of Transportation na target nitong ilabas sa kalagitnaan ng Abril ang fuel subsidies para sa mga benepisyaryo sa sektor ng transportasyon.

Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, kailangan munang matapos ang lahat ng kinakailangang dokumento bago maipamahagi ang tulong.

“Kapag hindi nagbago ang sitwasyon, ako po no, we’re targeting na mid-April baka makapagsimula na po kami. On the premise na tapos na po namin lahat ng mga documentation,” ani Lopez.

Ipinaliwanag niya na nakasaad sa batas na maaaring ilabas ang fuel subsidy kapag umabot sa average na $80 kada bariles ang presyo ng langis sa loob ng isang buwan.

“Kasi ang nakalagay po sa ating batas, kailangan umabot tayo ng 80 dollars per barrel for one calendar month and average. So kapag ‘yan nagawa natin ng Marso, umabot tayo doon, at least pagdating po ng Abril, kapag naayos na po lahat ng mga papeles, magbibigay na lang tayo ng subsidiya,” aniya.

Sinabi rin ni Lopez na maaaring gamitin ang P2.5 bilyon mula sa 2025 continuing budget para sa fuel subsidy program. Dagdag pa niya, pinag-aaralan pa kung posibleng magtaas ng pamasahe dahil maaari itong magdulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“We have to thread this very carefully with abundance of caution. Ang pagtataas po kasi ng pamasahe at this point in time ang kaakibat po niyan ay pagtaas ng mga bilihin, matik po ‘yan,” ani Lopez. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here