Home NATIONWIDE Fuel subsidy para sa mga magsasaka, mangingisda pinaplantsa ng DA

Fuel subsidy para sa mga magsasaka, mangingisda pinaplantsa ng DA

MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Biyernes na nakatakda itong mamahagi ng fuel subsidies sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng pagsirit ng presyo ng langis.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing, inihayag ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na sa ilalim ng programa, mamamahagi ng P3,000 tulong kada benepisyaryo.

“It is a one-time assistance para tumulong dito sa pagtaas ng presyo ng gasolina. Inaayos lang dito iyong guidelines. Sa mga susunod na araw, ilalabas na rin itong fuel assistance para sa ating mga mangingisda at magsasaka,” wika ng opisyal.

Naglaan ang DA ng halos P1 bilyong halaga ng pondo upang saklawin ang eligible beneficiaries sa buong bansa.

“May nakalaan na almost PHP500 million para sa ating mga magsasaka na may-ari ng makinarya. Gayundin PHP500 million para sa ating mga mangingisda,” aniya.

Kabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo ang mga magsasaka na may makinaryang nakarehistro sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors In Agriculture, maging mga mangingisdang may boat tonnage na hindi lalampas sa 3 metric tons. RNT/SA