Home HOME BANNER STORY LTFRB sa PUV operators: Prangkisa pribilehiyo ‘di karapatan

LTFRB sa PUV operators: Prangkisa pribilehiyo ‘di karapatan

MANILA, Philippines- Matapos ideklara ng ilang transport groups na magpapatuloy silang bumiyahe kahit walang konsolidasyon matapos ang April 30 deadline, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Biyernes na dapat maintindihan ng jeepney operators na pribilehiyo ang kanilang  prangkisa na iginagawad ng pamahalaan, at hindi karapatan.

Sa isang press conference, sinabi ni MANIBELA president Mar Valbuena na tanging Kamara lamang ang may kapangyarihang bawiin ang kanilang mga prangkisa.

“Unang-una po, iyang prangkisang iyan ay hindi ho iyan isang karapatan, iyan ho ay prebilehiyo na binibigay ng estado,” ani LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III sa isang radio interview when nang hingan ng komento ukol sa isyu.

“Ang estado rin ho or ang gobyerno rin po ang nagsasaad ng paraan kung paano mo po gagamitin iyan. Ang sabi ng estado is dapat kayong mag-consolidate ngayon for an effective fleet management,” patuloy niya.

Base kay Guadiz, hindi handa ang impounding areas ng LTFRB para sa “colorum” na mga sasakyan o mga may prangkisang napawalang-bisa dahil sa hindi pakikibahagi sa konsolidasyon.

Aniya, may tatlong impounding facilities ang ahensya na matatagpuan sa Pampanga, Tarlac, at Quezon City.

Matatandaang hinikayat ng LTFRB chief ang jeepney operators na samantalahin ang huling extension ng konsolidasyon, at binalaan ang mga ito na babawiin ang kanilang mga prangkisa sakaling hindi sila makiisa sa konsolidasyon.

Sa kasalukuyan, binanggit ni Guadiz na halos 79 porsyento ng public utility vehicles (PUVs) sa bansa ang consolidated na.

Ayon kay Guadiz, hindi agad huhulihin ang mga “colorum” na sasakyan sa May 1, at sinabing maglalabas ang LTFRB ng show cause notices.

“Bibigyan namin sila ng show cause notice kung bakit hindi po sila dapat tanggalan ng prangkisa. After that po, kung hindi po sila makapagbigay ng kanilang sagot or ‘yung sagot po nila ay hindi katanggap-tanggap, pwede na ho namin outright doon tatanggalan ng prangkisa po,” anang opisyal.

“Sa batas po, bago mo bawiin ang prangkisa ng isang sasakyan or bago mo ito i-impound muna, bigyan mo muna ng show cause,” paliwanag ni Guadiz.

“Paggalang po ito sa kanila at pagbibigay ng warning muna po ito kaya sana po ay hindi na po kami humantong sa puntong iyan na kailangan pa naming i-impound ‘yung mga sasakyan nila.”

Nitong Huwebes, sinabi ng transport groups PISTON at MANIBELA na magsasagawa sila ng kilos-protesta sa buong bansa sa susunod na linggo, upang tutulan ang nalalapit na deadline para sa konsolidasyon ng PUV drivers at operators.

Anila, tatagal ito ng dalawang araw na magsisimula sa Lunes, Abril 15.

“Rest assured that vehicles offering free rides will once again be dispatched to assist affected commuters,” pagtitiyak naman ni Guadiz. RNT/SA