Home NATIONWIDE Konstitusyon dapat baguhin – Carpio

Konstitusyon dapat baguhin – Carpio

MANILA, Philippines- Pabor si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na amyendahan ang 1987 Constitution upang makapasok ang mga dayuhan at makapagmay-ari ng public utilities.

May probisyon sa ilalim ng 1987 Constitution na ang mga dayuhan ay pinapayagan na magmay-ari ng hanggang 40% lamang ng public utilities.

Ayon kay Carpio, taliwas naman ito sa naamyendahang Public Services Act kung saan pinapayagan ang 100% foreign ownership ng public services gaya ng telecommunications, railways, airlines at iba pa.

Dahil sa amended Public Services Act, maraming dayuhan ang nahikayat na mamuhunan sa bansa. Gayunman, maari aniyang mawala ang lahat ng pumasok na investment kung kukuwestiyunin ito sa Korte Suprema.

Makikita aniya ng Korte na magkaiba ang nakasaad sa Konstitusyon at ang ipinasang amended Public Services Act.

Dahil dito, kumbinsido si Carpio na kinakailangang amyendahan ang probisyon sa 1987 Constitution hinggil sa public utility upang agad maisaayos ang depekto.

Iminungkahi ng dating mahistrado ang pagdaragdag ng pangungusap na “unless otherwise provided by law” sa naturang probisyon sa Saligang Batas.

Mahalaga din aniya na dugtungan ito ng “but subject to reciprocity of other countries allowed to come in here to invest.”

Ipinaliwanag ni Carpio na kailangang may kapalit ang pagpayag ng Pilipinas sa pamumuhunan ng ibang bansa sa bansa.

Inihalimbawa ni Carpio ang nangyari sa European Union (EU) kung saan binibili ng Chinese investors ang mga kompanya sa EU ngunit hindi pinapayagan ng China ang EU na mamuhunan sa kanila. Teresa Tavares