NEGROS OCCIDENTAL- Nasa state of calamity ang munisipalidad ng San Enrique sa Negros Occidental bunsod na matinding pinsala ng El Niño phenomenon.
Sa ginanap na special session ng Sangguniang Panlalawigan noong April 8, inaprubahan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ang rekomendasyon na isailalim sa state of calamity ang nasabing bayan.
Ito’y matapos masira ang pananim na palay, tubo, at fishpond na umabot sa pinsalang P9,951,589.70.
Sinabi ni San Enrique Mayor Jilson Tubillara na nagbibigay ito ng daan para maaprubahan ng lokal na pamahalaan ang calamity funds para mabigyan ng tulong ang mga magsasaka na apektado ng tagtuyot.
Ipinasa rin ng konseho ang isang resolusyon para tawagan ng pansin ang Department of Agriculture na magsagawa ng cloud seeding operations sa Negros Occidental para bumuhos ang ulan.
Sa bayan ng San Enrique, nasa 6,000 pamilya sa loob ng 10 barangas ang naapektuhan ng mainit na panahon.
Sinabi ni Tubillara na ang tagtuyot ay nagpatuyo ng mga pananim, balon, at palaisdaan sa munisipyo at naapektuhan ang 90 porsyento ng mga lupang pang-agrikultura nito.
Aniya, ilang magsasaka ng palay ang lumipat sa pagtatanim ng pakwan, habang ang mga palaisdaan ay ginawang asinan para mabuhay.
Ang pamahalaang bayan, dagdag niya, ay nagsimula nang maghatid ng tubig sa mga residente ng Barangay Tibsoc kung saan natuyo ang mga balon.
Samantala, napagkasunduan naman sa school board meeting sa bayan na ang mga personal na klase ay gaganapin lamang mula alas-7:30 ng umaga hanggang alas-10:30 ng umaga, at ang modular learning sa bahay ay gagawin tuwing hapon. Mary Anne Sapico