MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang pagbibigay ng exemption sa fuel tankers at cargo trucks na may dalang essential goods mula sa number coding at truck ban upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chair Romando “Don” Artes, ang hakbang na sinang-ayunan ng 17 alkalde ng Metro Manila ay tugon sa kahilingan ng Department of Energy (DOE) at Department of Trade and Industry (DTI).
“This would ensure the unimpeded movement of energy sources and ease the mobility of goods amid the rising price of fuel products,” ani Artes.
Makikipag-ugnayan ang MMDA sa DTI upang tukuyin ang mga essential goods na saklaw ng exemption. Magiging epektibo ang resolusyon matapos mailathala sa hindi bababa sa dalawang pahayagan.
Samantala, sinabi ni MMDA General Manager Undersecretary Nicolas Torre III na magde-deploy ang ahensya ng 2,476 personnel upang magbantay sa mga pangunahing kalsada at transport hubs sa panahon ng Holy Week exodus, kasabay ng pagpapatupad ng “no-day-off and no-absent policy.”
“We will enforce a no-day-off and no-absent policy for all traffic and field personnel when heavy traffic is expected due to the Holy Week exodus,” ani Torre.
Kabilang sa tututukan ang mga pangunahing lansangan, terminal, paliparan, pantalan, at mga rutang papunta sa mga simbahan.
Inanunsyo rin ng MMDA ang suspensyon ng number coding simula alas-12 ng tanghali ng Abril 1 hanggang matapos ang Maundy Thursday at Good Friday.
Papayagan din ang mga provincial bus na dumaan sa EDSA mula alas-9 ng gabi ng Abril 1 hanggang alas-6 ng umaga ng Abril 6 upang mapadali ang biyahe ng mga pasahero. Dave Baluyot