MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) na mas pabibikisin nila ang modernisasyon ng kanilang sistema upang gawing ganap na digital at paperless ang transaksyon sa kalakalan.
Inihayag ito ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa 2026 Ease of Doing Business briefing na pinangunahan ng Anti-Red Tape Authority.
Ayon sa BOC, sentro ng reporma ang bagong Integrated Customs Processing System (CPS) na papalit sa lumang E2M system. Target nitong gawing automated ang import, export, risk assessment at bayaran — para mas mabilis at mas malinaw ang proseso.
Nabatid na magkakaroon din ng Customs Data Lake at pagpapalawak ng OneClient Portal para sa real-time shipment updates at mas madaling transaksyon ng mga negosyante.
Ayon kay Nepomuceno, layunin ng digital transformation na mapadali ang negosyo, maprotektahan ang kita ng gobyerno, at mas mahusay na mapagsilbihan ang publiko, alinsunod sa adbokasiya ni Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mas transparent na customs system. JAY Reyes