MANILA, Philippines – MULING iginiit ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Sec. Larry Gadon na mas mabuti pa na bumitiw na lamang sa kasalukuyang posisyon si Vice President Sara Duterte kung plano pa nitong tumakbo sa 2028 national election.
Ang pahayag ni Sec. Gadon ay sinabi nito sa ginanap na Balitaan sa Tinapayan kung saan muli nitong nagbigay suhestiyon sa bise presidente na kung may plano aniya itong tumakbo bilang Presidente ng bansa sa 2028 election ay mag-resign na umano siya ngayon.
Paliwanag ni Sec.Gadon, kapag nahatulan sa impeachment si VP Duterte ay magkakaroon ng disqualification at ito ay perpetual disqualification.
“Kaya kung gusto pang tumakbo sa 2028, magresign na siya ngayon at huwag na intindihin yang impeachment”, ani Gadon.
Samantala, nagpahayag naman si Gadon sa Korte Suprema na huwag na lamang umano nilang pansinin ang inihaing petisyon ng kampo ni VP Duterte laban sa mga naghain ng impeachment dito.
Aniya, hindi rin dapat maglabas ng notice ang Korte Suprema para sagutin ng Senado sa loob ng 10 araw para magkomento sa inihaing petisyon na naglalayong mag-convene na ito at simulan ng litisin si VP Duterte.
“Dapat nga totally hindi pansinin yan eh, kasi wala naman talaga. Nasa constitution yang impeachment, alangan namang pigilan mo yan”, pahayag ni Sec. Gadon nang tanungin ang kanyang reaksyon sa paghahain ng petisyon ni VP Sara sa SC. JR Reyes