Home NATIONWIDE Pag-aresto sa 3 indibidwal na sangkot sa pamemeke ng departure stamps, ikinagalak...

Pag-aresto sa 3 indibidwal na sangkot sa pamemeke ng departure stamps, ikinagalak ng BI

MANILA, Philippines – IKINAGALAK ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado ang pagkakaaresto kamakailan sa tatlong indibidwal na sangkot sa pamemeke ng departure stamps.

Nabatid sa BI na ang tatlo ay naaresto noong Pebrero 14 ng mga miyembro ng Manila International Airport Authority Airport Police Department (MIAA-APD) sa isinagawang entrapment operations matapos biktimahin ang mga Pilipinong biktima ng trafficking.

Ayon sa BI, naningil umano ang sindikato ng aabot sa P120,000 sa mga biktima nito sa pamamagitan ng pag-impress ng pekeng immigration departure stamp para mapadali ang kanilang iligal na pag-alis sa bansa, na nagpapahintulot sa kanila na magtrabaho bilang mga turista sa ibang bansa.

Kinumpirma sa isinagawang beripikasyon ng forensic documents laboratory ng BI na ang mga selyong ginamit para sa dalawang babaeng biktima noong Enero 1 at 21 ay talagang peke. JR Reyes