Home OPINION GADON NAGSISING SINUPORTAHAN SI VP SARA, SI VP KAYA?

GADON NAGSISING SINUPORTAHAN SI VP SARA, SI VP KAYA?

SABI ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon, nanghihinayang siya sa suportang kanyang ipinagkaloob kay Vice President Sara Duterte noong 2022 National Elections.

Bago ang pahayag ni Gadon, nagsampa siya ng disbarment laban kay VP Duterte sa Supreme Court dahil sa umano’y pananakot at pagmumura ng Bise Presidente kina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., First Lady Lisa Marcos at House Speaker Martin Romualdez.

Si Gadon, tumakbong senador noong 2022 elections sa ilalim ng Uniteam nina Marcos at Duterte, ay nagsabing immature ang ginawang pagbabanta ni VP Sara laban sa first couple at paglabag umano ito sa professional ethics ng pagiging abogado.

Pero sabi nga sa bibliya “unang pumukol ang walang sala”.

Unang pumukol si Gadon na tila walang bahid dungis pero siya ay ng tatlong taong suspensyon sa disbarment na isinampa sa SC matapos mapatunayan ng Integrated Bar of the Philippines sa imbestigasyon na hindi siya nagsabi ng totoo kaugnay sa impeachment na isinampa niya laban kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Hindi ba nakahihiya namang maglinis-linisan kung hindi naman pala naman tamang tao para magsampa ng kaso? Ibig sabihin, sa pagkakataong ito, hindi na talaga pinaiiral ng mga politiko ang ‘delicadeza’.

Napatunayan din ng Supreme Court na pinalsipika niya ang kanyang sinumpaang salaysay sa kanyang isinampang kaso lamang ay hindi na siya pinatawan pa ng suspensyon dahil suspendido na siya kaya naman ang ginawa ng IBP Board of Governors ay ginawang tatlong taon ang rekomendadong suspensyon.

Kung ang nararamdaman ni Gadon ay panghihinayang dahil sa suportang kanyang ibinigay sa pagtakbong Bise Presidente ni Duterte, ano naman kaya ang nararamdaman nitong si Inday Sara?

Malamang, kung may mas hihigit pa sa pagsisisi tiyak na sa antas na iyon ang nararamdaman nitong si VP Sara sa pagpayag niyang tumakbo sa ilalim ng Uniteam itong si Gadon na hindi naman nakahila ng boto para sa kanilang kandidatura.

Sa madaling salita, walang naitulong itong si Gadon sa panalo nina PBBM at VP Sara.

May kasabihang “love begets love.” Paano ang pagkasuklam? Malamang kapwa nila nararamdaman sa isa’t isa  ang pagkasuklam.