Home TOP STORIES Gag order inilabas ng korte sa Valdes-Chua issue

Gag order inilabas ng korte sa Valdes-Chua issue

Inisyuhan ng Makati Regional Trial Court Branch 144 si Tessa Prieto Valdes ng gag order upang pigilan siya sa paggawa ng mga pampublikong pahayag tungkol sa kasong isinampa laban sa kanyang dating girlfriend na si Angel Chua.

Layunin ng kautusan na maprotektahan ang integridad ng legal na proseso at ang karapatan ng parehong partido.

Inihain ng kampo ni Chua, na kinakatawan ni Atty. Alexander Llanes Acain Jr., ang mosyon na humihiling ng gag order dahil sa umano’y paglabag ni Prieto sa sub judice rule, na nagbabawal ng anumang pampublikong pahayag tungkol sa kasong nasa proseso pa.

Nagbigay si Prieto ng isang panayam kay Joan Maglipon, kung saan inihayag niya ang mga detalye ng kaso. Ang panayam ay nailathala pa sa mga online platform at social media accounts, dahilan upang maghain ng mosyon ang kampo ni Chua.

Binanggit ng korte na mahalaga ang gag order upang matiyak ang “fair and impartial” na proseso ng batas. Ikinatuwa naman ni Chua, na mula sa isang prominente at kilalang pamilya ng mga Chinese sa Cebu, ang ipinalabas na gag order, at sinabi nitong makikinabang siya mula rito laban sa posibleng pananakit at maling impormasyon na ipapalaganap ni Prieto.

Ayon pa kay Chua, may mga mas mahalagang isyu na dapat pag-usapan kaysa sa reklamo laban sa kanya na nararapat ay tatalakayin lamang sa korte at hindi sa social media.

Sinabi ni Atty. Acain, legal counsel ni Chua, na inaasahan nilang susundin ni Prieto ang gag order at pinagtibay ang kahalagahan nito upang mapanatili ang isang patas na proseso ng batas at mabigyan ng pagkakataon ang kanilang kliyente na mag-focus sa kaso nang walang abala mula sa mga opinyon ng publiko. RNT