MANILA, Philippines – Matapos ang ginagawang pagsalakay at masampolan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Agriculture (DA) ang ilang sangkot sa pag-iimbak ng bigas sa Bocaue, Bulacan, nagpahayag naman ng kagalakan ang sektor ng magsasaka sa mabilis na aksyon at hakbang ng isa sa ahensya na miyembro ng Task Force laban sa agricultural economic sabotage act.
Sa pahayag ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines, Inc. (AGAP) Partylist Rep. Nicanor ‘Nick Briones’ nang hingan ng reaksyon sa matagumpay na operasyon ng NBI, sinabi niya na dapat masampulan din ang may-ari ng warehouse sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 12022 o mas kilala bilang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na may parusang life time imprisonment at nonbailable.
Aniya, hindi sapat na ang warehouse manager, dalawang kahera, at isang inventory officer ng bodega lamang ang masasampahan ng kasong hoarding, adulteration, profiteering, untruthful labeling, at economic sabotage.
Nitong Huwebes, sumalang na sa inquest proceedings sa DoJ ang 4 kataong naaresto ng NBI, at bukod sa kanila kabilang din sa sinampahan ng reklamo ang pinoy na may-ari ng bodega pero nananatili pa rin itong at large.
Di umano, ang rehistradong nagmamay-ari ng bodega ang Rice Milling at Rice Retailing sa Golden City, Taal, Bocaue, Bulacan na si Elizabeth Pineda base sa nakuha ng NBI at DA sa sanitary permit at certification of annual inspection na inisyu ng munisipalidad ng Bocaue.
Ayon kay Briones, patuloy pa rin ang pananamantala sa mga consumer dahil patuloy pang rin mataas ang presyo ng bigas, na dapat bumaba na ng P14 per kilo dahil sa pagbaba ng 20% ng taripa at pagbababa a world market price buhat $600-$400 per metric ton.
“Tama lamang na inspeksiyunin ang lahat ng mga bodega na posibleng nagho-hoard at nagtatago ng bigas kaya hindi bumababa ang presyo nito,” wika ni Briones.
Sinasabing ang nadiskubreng tone-toneladang bigas mga pinaghalo-halong luma at ibang klase bigas para maibenta sa merkado ng mas mataas na presyo.
Kasabay nito, nanawagan si Briones sa pamahalaan na magpatupad muna ng maximum suggested retail price (MSRP) sa mga imported na karne ng baboy bago sa lokal na baboy at iyon ang maghahatak pababa sa presyo ng lokal na karne ng baboy.
Paliwanag ng solon, na sa ganitong paraan makakabawi ang mga local hog raiser na mga nalugi dahil na rin sa tumamang African Swine Fever (ASF) sa kanilang mga alagang baboy.
Samantala, kabilang sa mga nakikitang dahilan ni Briones kung bakit tumataas ang halaga ng karneng baboy dahil sa ASF na tumama noong mga nakaraang taon, pagkakaroon ng maraming fiesta at dahil election period kung saan maraming aktibidad at umiikot na pera na nagpapataas ng demand nito.
Patuloy ang panawagn ni #117 AGAP Partylist na tuluyang ma-enforce ng council ang batas na nasa ilalim ng office of the president at kung may enforcement group maipatupad kaagad ang anti-economic sabotage act at mahuhuli ang mga nananamantala at makasuhan ang mga smugglers, hoarders at profiters.
Hinikayat ni Rep. Briones ang mamamayan na muling pagkatiwalaan at tangkilikin ang #117 AGAP Partylist na tunay na may sektor ng agrikulatura at may adbokasiya.na ipaglaban ang kapakanan at hanapbuhay ng mga magsasaka. Kailangan natin ng maunlad na magsasaka para sa mura, de kalidad at sapat na pagkain ng pamilyang Pilipino. RNT