MANILA, Philippines – “KARAPATAN ng sinomang mamamayan ang pumasok sa kahit anong hukuman at manood.”
Ito ang ipinahayag ni Atty. Ferdinand Topacio makaraang maghain ng mosyon ang prosekusyon ng Department of Justice (DOJ) na huwag payagan ang nauna na dumalo o makapanood ng pagdinig hinggil sa Degamo slay case, kung saan pilit umanong isinasangkot si dating Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr., na ginanap sa Regional Trial Court sa Manila City Hall nitong Biyernes, Pebrero 14, 2025.
Si Teves ay pinaniniwalaan umano ng mga kababayan nito sa Negros at iba pang lugar na inosente at biktima lamang ng pamomolitika.
Ayon kay Topacio, hindi siya nagpunta bilang abogado sa RTC Branch 51 sa sala ni Hon. Merianthe Pacita Zurake na nagsisilbing Presiding Judge, kundi bilang miyembro umano ng publiko na tahasang pinapayagan ng Saligang Batas na manood ng kahit anong hearings.
Nabatid naman na napagbigyan si Topacio ng huwes nitong naganap na pagdinig upang hindi na umano humaba ang kanilang argumento.
Giit naman ni Topacio, hindi ito dumalo sa naganap na pagdinig dahil pinayagan ito ng huwes kundi ito umano ay kanyang karapatan na ibinibigay ng konstitusyon.
Ayon pa sa abogado, maghahain ito ng mosyon para tanggalin ang pagbabawal na makapanood sa mga pagdinig dahil naniniwala si Topacio na ito ay labag sa konstitusyon at sa rules of court na sinasabing ang hukuman ay bukas sa publiko maliban na lamang kung ang dinidinig na kaso ay maselan, mahalay o pribadong testimonya na dapat protektahan.
Kaugnay nito, sinabi ni Topacio na may nakabinbing apela si Teves hinggil sa kanyang extradition case at pending na aplikasyon para sa political asylum kaya’t hinahayaan umano ito na manatili “legally” ng pamahalaan ng Timor Leste. RNT