MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Civil Service Commission (CSC) ang pagbibigay ng hanggang limang araw na Wellness Leave (WL) para sa mga kwalipikadong opisyal at empleyado ng gobyerno upang palakasin ang mga workplace strategies na nakaayon sa Mental Health Act.
Ayon kay CSC Chairperson Marilyn Barua-Yap, ang Wellness Leave ay isang proactive na tugon sa kasalukuyang hamon na kinahaharap ng mga manggagawa sa gobyerno.
Sinabi niyang ang pagbibigay ng pagkakataong makapagpahinga at maalagaan ang sarili ay nagtatatag ng isang mas mahabagin at matatag na public service environment.
Batay sa CSC Resolution No. 2501292, binigyang-diin ng komisyon ang Joint Administrative Order No. 2023-000 ng CSC, DOLE, at DOH, na tumutukoy sa mental health bilang pangunahing prayoridad sa workplace health promotion.
Tinukoy rin ng CSC ang 2025 Global Workplace Report, na nagsasabing ang mga manggagawang Pilipino ay may ikalawang pinakamatataas na stress levels sa Southeast Asia dahil sa unhealthy lifestyle at mabigat na workload.
Maaaring kunin ang Wellness Leave nang tatlong magkakasunod na araw o hiwa-hiwalay na hindi magkakasunod. Hindi ito nade-defer, hindi convertible to cash, at mawawala kapag hindi nagamit sa loob ng calendar year.
Puwedeng gamitin ang WL para sa mental health care, physical wellness activities, o simpleng pahinga mula sa trabaho. Iba ito sa regular na vacation at sick leave at nakalaan talaga para sa wellness at recovery.
Kailangan ang rekomendasyon ng immediate supervisor bago isumite sa head of office para sa approval. Susundin ang parehong proseso tulad sa vacation at sick leave.
Dapat isumite ang aplikasyon limang araw bago ang planong leave. Para sa emergency cases, maaaring i-file pagkatapos makabalik sa trabaho.
Ayon sa CSC, ang bagong patakaran ay magiging epektibo 15 araw matapos ang publication nito sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon, kasunod ng advisory para sa opisyal na petsa ng bisa. RNT/MND