MANILA, Philippines – Nagbigay ang Philippine National Police (PNP) ng kabuuang P10.6 milyon na reward sa mga informant na tumulong sa pag-aresto ng 30 wanted persons sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa datos ng PNP, ang pinakamalaking reward ay P5.3 milyon na ibinigay sa isang informant na nagbigay ng impormasyon para sa pagkakaaresto noong Pebrero 2023 ng isang suspek na may 7 counts ng murder at 25 counts ng frustrated murder.
Ang pinakamababang reward naman ay P50,000, na ibinigay sa isa pang informant na nagbigay ng tip para sa pag-aresto noong Enero 2024 ng isang suspek na wanted sa Kalinga Provincial Intelligence Unit at Police Regional Office–Cordillera para sa double murder.
Ipinakita rin ng PNP data na ang pinakamatandang kaso ay noong Oktubre 2021, kung saan nahuli ng Zamboanga Peninsula Regional Intelligence Unit ang dalawang murder suspects. Isang informant ang binigyan ng P150,000 para sa bawat suspek.
Pinakabago naman ang kaso noong Nobyembre 20, 2025, nang maaresto rin ng Zamboanga Peninsula RIU ang isang suspek sa kidnapping, serious illegal detention, at anim na kaso ng murder at frustrated murder. Ang informant ay binigyan ng P500,000.
Ayon kay PNP Director for Intelligence Maj. Gen. Wilson Joseph Lopez, ang cash rewards ay mula sa intelligence fund ng PNP at inaprubahan ng Department of the Interior and Local Government.
Sinabi naman ni acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na insentibo ito para hikayatin ang mga mamamayan na magbigay ng impormasyon upang mas mapabilis ang pagresolba ng mga kaso. Dagdag niya, “With or without these rewards, of course, the PNP will work.” RNT/MND