MANILA, Philippines – Hinimok ni Comelec Chairman George Garcia ang lahat ng mga kandidato sa nagdaang barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na baklasin na ang mga campaign materials na ikinabit ng mga ito.
Ani Garcia, mayroon na lamang ang mga ito na hanggang Sabado, Nobyembre 4, upang alisin ang mga poster at iba pang campaign materials na kanilang ikinabit.
Hindi naman sakop ng pagbaklas ng mga campaign material ang mga nakalagay sa private properties.
Dagdag pa, mayroon na lamang din na hanggang sa katapusan ng Nobyembre ang mga kandidato na magpasa ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
“A reminder to all candidates: you only have five days or until Nov. 4 to remove all posted and distributed campaign materials in the common poster area,” ayon naman kay Comelec spokesman John Rex Laudiangco kasabay ng public briefing nitong Miyerkules, Nobyembre 1.
Kahit natalo sa eleksyon, obligado ang lahat ng kandidato na magpasa ng kanilang SOCE, isang komprehensibong ulat ng kanilang campaign contributions at expenditures.
Sa ilalim ng Republic Act 7166, o Synchronized National and Local Elections and Electoral Reforms Act, walang sinuman ang maaaring umupo sa pwesto nang hindi nakakapaghain ng kani-kanilang SOCE.
Maaaring maghain ang mga ito ng SOCE sa Office of the Election Officer sa Nobyembre 29, o hindi tatagal ng isang buwan matapos ang araw ng halalan.
Ang hindi makakapagpasa matapos ang dalawang sunod na halalan ay hindi na maaaring tumakbo sa pamahalaan. RNT/JGC