MANILA, Philippines – ‘Unbothered’ si House Deputy Speaker at Iloilo 3rd district Representative Janette Garin sa mga bagong social media post ng ilang kasamahan niya sa Kamara na may kaugnayan sa Dengvaxia issue, at iginiit na ang muling pagbuhay sa usapin ay nakakaabala sa mas malalaking isyu sa kalusugan ng publiko.
Kamakailan ay tinag si Garin sa mga post nina Cavite 4th district Representative Francisco Barzaga at Batangas 1st district Representative Leandro Legarda Leviste na kapwa tumukoy sa kontrobersiya ng Dengvaxia.
Bagama’t si Leviste lamang ang direktang sinagot ni Garin, binigyang-diin niya na ang pagbuhay sa isyu ay nakaaapekto sa atensyon para sa mas mahahalagang suliranin sa kalusugan noong nakaraang administrasyon.
“The Dengvaxia scare became a distraction from the more fundamental public health challenges during the previous administration. It is unfortunate that there continue to be attempts to revive this issue despite the established fact that the cases filed against me have already been dismissed,” ayon kay Garin nitong Linggo, Mayo 10.
Nagpahayag din siya ng pangamba sa patuloy na paggamit ng mga umano’y hindi beripikadong pahayag kaugnay ng kontrobersiya.
“It is also concerning that unverified autopsies and questionable testimonies continue to be used in attempts to damage my reputation. Nevertheless, we remain committed to the truth and will continue to face these issues through facts and proper processes,” dagdag pa niya.
Kinilala rin ni Garin ang Mother’s Day greeting ni Leviste na may kasamang komentaryo tungkol sa Dengvaxia.
“At the same time, I thank Cong. Lean for the Mother’s Day greetings. Malapit yan sa puso ko (He is close to my heart),” pahayag ni Garin.
Nauna nang sinabi ni Leviste: “Happy Mother’s Day, Cong. Janette Garin! Kaya mo raw kailangang bumoto para sa impeachment dahil sa kaso mo sa Dengvaxia, ayon sa kaibigan mo. Pagkatapos ng botohan, sana maresolba na ang mga kaso mo.”
Tinutukoy nito ang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte na kasalukuyang nakabinbin sa plenaryo ng Kamara.
Si Garin, na pangunahing nagpatupad ng P3.5-bilyong Dengvaxia mass immunization program noong 2016 sa ilalim ng administrasyong Aquino, ay naharap na sa iba’t ibang kasong kriminal, graft, at negligence kaugnay ng umano’y pagkamatay ng ilang bata matapos mabakunahan. Ilan sa mga kaso ay ibinasura na, habang ang iba ay nananatiling nakabinbin sa korte. RNT