MANILA, Philippines- Inakusahan ng isang pulis nitong Biyernes sina dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma at National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo ng pag-uutos umano ng 2020 killing kay noo’y PCSO Board Secretary Wesley Barayuga.
Sa pagtestigo sa pagpapatuloy ng House investigation sa mga pagpaslang na iniuugnay sa drug war ng Duterte administration, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Santie Mendoza ng Philippine National-Police Drug Enforcement Group (PNP-PDEG) na inatasan umano siya ni Leonardo na isagawa ang pagpatay noong Hulyo 30, 2020 habang si Barayuga ay nasa loob noon ng PCSO building.
“Ipinadala niya sa akin ang larawan ni Mr. Barayuga habang ito ay nasa conference meeting sa loob ng PCSO. Sinabi ko kay Colonel Leonardo na dahil isang opisyal na gobyerno ang target, mahalaga na magsagawa po ng sarili kong verification, ngunit sinabi niya na hindi na kailangan dahil ang utos ay mula kay GM Garma, Colonel Royina Garma, na may personal na kaalaman sa tungkol sa mga ilegal na aktibidad ng droga ni Wesley Barayuga,” sabi ni Mendoza sa apat na House committees na nagsasagawa ng imbestigasyon.
Ani Mendoza, inilarawan sa kanya ni Leonardo at ibinigay ang plate number ng service vehicle na gagamitin ni Barayuga. Sinabi rin niya na inisyu Garma ang sasakyan kay Barayuga.
“Sinabi niya (Leonardo) na maaari na naming tirahin si Wesley Barayuga pagkatapos niya lumabas sa gusali,” paglalahad ni Mendoza.
Ayon pa kay Mendoza, kinontak niya ang kanyang informant, kinilalang si Nelson Mariano, na siya umanong nag-hire ng gunman na tinukoy lamang sa pangalang Loloy.
Patay sa pamamaril ng hindi natukoy na gunman na sakay ng motorsiklo si Barayuga noong araw na iyon. Makikita sa CCTV footage na lumapit ang gunman sa government car na sinasakyan ang opisyal at pinagbabaril ito sa passenger side.
“Matapos na matagumpay na naisagawa ang operasyon, ipinaalam sa akin ni Colonel Leonardo na si Ma’am Garma ay nagbigay ng P300,000 bilang kabayaran para sa aming trabaho at ito ay iaabot ni ‘Toks’ sa aking middleman na si Nelson Mariano,” pagbabahagi ni Mendoza.
“At nang magkita kami ni Nelson, ay inabot niya sa akin ang halagang P40,000 bilang aking bahagi sa kabayaran,” dagdag niya.
“Nagulat po ako, I did not expect it,” tugon ni Garma sa alegasyon.
“Hindi ko po alam iyong sinasabi po niya. I cannot speculate. I do not know what he (Mendoza) is thinking,” dagdag niya.
“Maganda po [ang working relationship namin ni Barayuga]. Wala po kaming conflict,” giit pa niya.
Gayundin, itinanggi ni Leonardo ang alegasyon ni Mendoza. “Hindi po totoo iyon.”
“Nagulat rin po ako. Hindi ko po siya puwede utusan kasi hindi ko po siya (Mendoza) kilala,” patuloy ni Leonardo, tinutukoy si Mendoza. RNT/SA