MANILA, Philippines – Plano ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na sakupin ang mga gastos para sa mga inireresetang salamin sa mata bago matapos ang taon.
Sinabi ni Dr. Israel Francis Pargas, PhilHealth senior vice president for health finance policy na pinag-aaralan na ngayon ang pagsasama ng mga prescription glasses bilang tugon sa kahilingan at sigaw ng kanilang mga miyembro at mambabatas.
Ayon kay Pargas, umaasa silang bago matapos ang taon ay maipalabas na ang polisiya hinggil rito.
Base sa pag-aaral ng World Health Organization, 50% ng world’s population ay magiging near-sighted sa 2050.
Batay sa 2018 Philippine Eye Disease Study, 1.98% ng populasyon ng Pilipinas ang may visual impairment habang dalawang milyon ang partially blind.
Ang Integrated Philipines Associate of Optometrists (IPAO) ay tutulong sa PhilHealth sa paggawa ng mga alituntunin para sa package.
Ang mga menor de edad lalo na ang mga estudyante ang uunahin sa phase one ng PhilHealth package dahil nakakaparkto sa kanilang academic performance ang mga batang may near-sighted o far-sighted na kondisyon.
Bago matapos ang taon, layunin din ng PhilHeath na isama ang mga serbisyo sa ngipin sa mga pakete nito, kabilang ang dental hygiene, flourification, at paglilinis. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)