MANILA, Philippines0 Niratipikahan ng Senado ang bicameral conference committee report ng National Education Support Personnel Day Act (Senate Bill No. 2872 at House Bill No.4896), isang panukalang batas bilang pagkilala sa mahalagang papel ng non-teaching personnel.
Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na layunin ng panukala na ideklara ang Mayo 16 bilang National Education Support Personnel Day na gagawing isang special working holiday.
Isasabay ang pagdiriwang na ito sa World Education Support Personnel Day na nagaganap din tuwing Mayo 16.
“Ang pagdiriwang ng National Education Support Personnel Day Act ay isang simpleng pagpupugay sa ating mga non-teaching staff o mga education support personnel. Kung wala ang mga education support personnel na nagsisilbing mga kuya at ate sa ating mga paaralan, hindi natin makukumpleto ang paghahatid ng mga mahahalagang serbisyong kinakailangan ng ating mga mag-aaral,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.
Kabilang sa education support personnel ang mga nasa teaching-related o non-teaching positions sa pribado at pampublikong paaralan. Kabilang dito ang teaching assistant, registrar, librarian, doktor, nurse, schools division counselor, school counselor, school counselor associate, guidance counselor, psychologist, clerk, at iba pa.
Pangungunahan ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) ang paghahanda at pagpapatupad ng mga taunang aktibidad para sa pagpapatupad ng National Education Support Personnel Day.
Sa kasalukuyan, may mahigit 107,000 na non-teaching staff sa DepEd, samantalang may mahigit 63,000 education support personnel sa mga state universities and colleges. Ernie Reyes