MANILA, Philippines — Sinabi ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian na hindi pa napagdedesisyunan ng Senate majority kung sino ang mamumuno sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sa gitna ng mga usap-usapang maaaring si Sen. Francis “Chiz” Escudero ang hahawak sa tungkulin.
Ayon kay Gatchalian, pinag-aaralan pa ng 12-member majority bloc ang usapin matapos amyendahan ng Senado ang impeachment rules nito, na nagpapahintulot sa sinumang senador na mahalal sa pamamagitan ng majority vote na mamuno sa impeachment proceedings.
“We’ll discuss it. We’ll talk about it,” pahayag ni Gatchalian sa mga reporter.
Tradisyonal na ang Senate president ang namumuno sa impeachment trial. Sa ilalim ng Konstitusyon, ang Chief Justice lamang ang inaatasang mamuno kung ang nililitis ay ang Pangulo ng Pilipinas, habang ang Senate president ang namumuno sa iba pang impeachment cases.
Maaaring maipatupad ang inamyendahang rules 15 araw matapos ang Hunyo 9, kasunod ng paglalathala nito sa mga pahayagan.
Nakasaad din sa resolusyon na ang mapipiling presiding officer “shall, for that purpose, be placed under the prescribed oath or affirmation by any person authorized by law to administer an oath.”
Si Escudero, na nahaharap sa mga alegasyong kaugnay ng flood control controversy, ang ika-12 senador na tumulong upang mabasag ang impasse na pumigil sa sesyon ng Senado noong nakaraang linggo. RNT