Home HOME BANNER STORY Gatchalian: ‘Guo Hua Ping’ posibleng tunay na pangalan ni Alice Guo

Gatchalian: ‘Guo Hua Ping’ posibleng tunay na pangalan ni Alice Guo

MANILA, Philippines- Si “Guo Hua Ping” nga ba ang tunay na Alice Guo?

Ito ang katanungan ni Sen. Sherwin Gatchalian nitong Martes, batay sa dokumento mula sa Board of Investments (BOI) at Bureau of Immigration (BI) sa gitna ng imbestigasyon ng mga mambabatas sa tunay na katauhan ni suspended Bamban Mayor Alice Guo.

“Alice Guo might be Guo Hua Ping, who entered the Philippines on January 12, 2003, when she was 13 years old,” pahayag ni Gatchalian sa isang Viber message.

Nakasaad sa dokumento mula sa aplikasyon ng pamilya Guo para sa Special Investors Resident Visa (SIRV) na ang tunay na kapanganakan ni Guo Hua Ping ay Agosto 31, 1990, base kay Gatchalian.

Binanggit din niya na ang “registered mother” ni Guo Hua Ping sa SIRV ay isang babaeng Chinese na nagngangalang Lin Wen Yi.

Taliwas ang pinakabagong rebelasyon ni Gatchalian sa naunang pahayag ni Mayor Guo na siya ay “lovechild” ng kanyang ama at kanilang kasambahay.

Iniimbestigahan ang suspendidong alkalde matapos isiwalat ng Senate committee on women ang umano’y kaugnayan nito sa Zun Yuan Technology, isang ilegal na Philippine offshore gaming operator sa Bamban, Tarlac.

Subalit, makailang-ulit na na itinanggi ni Guo ang mga akusasyon laban sa kanya, kabilang ang umano’y pagiging ispiya ng spy, at iginiit na isa lamang siyang simpleng mamayang Pilipino. RNT/SA