Home NATIONWIDE Gatchalian itinangging nagpahiram ng ‘7’ protocol plate sa kapatid

Gatchalian itinangging nagpahiram ng ‘7’ protocol plate sa kapatid

MANILA, Philippines- Mahigpit na pinabulaanan ni Senador Sherwin Gatchalian na pag-aari nito ang isang kulay puting Cadillac Escalade sport utility vehicle na sangkot sa ilegal na pagpasok sa BUS carousel lane sa EDSA kamakailan.

Sinabi ni Gatchalian na hindi nito ipinahihiram kanino man ang kanyang “7″ protocol plate sa gitna ng kontrobersyal na nasasangkot ang kanyang kapatid na si Kenneth Gatchalian na sakay ng naturang sasakyang na pumasok sa EDSA busway.

“I never lent out my official-issued license plates to anyone. The official license plate [that] is installed on my car is duly registered with the LTO (Land Transportation Office),” ayon kay Gatchalian.

Tugon ito ng senador sa katanungan ng media kung siya ang nagmamay-ari sa naturang sasakyan pero ginamit ng kapatid na tumatakbong kongresista sa Valenzuela City.

Naunang itinanggi ng tanggapan ni Gatchalian na wala itong pag-aaring “fake number 7 protocol plate” sa isang puting SUV at wala itong kinalaman sa Orient Pacific Corporation – na nakalistang nagmamay-ari ng sasakyan.

“Senator Gatchalian was not involved in the incident at the EDSA busway in Guadalupe and was not inside the vehicle when it occurred… The senator does not own the fake protocol plate of the said SUV,” ayon sa tanggapan ni Gatchalian.

“The senator does not own the Cadillac Escalade. The vehicle is registered under Orient Pacific Corporation. Furthermore, Senator Gatchalian has no connection to Orient Pacific Corporation whatsoever,” dagdag nito.

“Mahirap namang mag-comment habang nag-iimbestiga sila. The LTO naman ay on top of the situation,” giit naman ni Gatchalian sa reporters.

Sinabi ni Gatchalian na hindi nito kinukunsinti ang paglabag sa batas-trapiko ng pangasiwaan ng Orient Pacific Corporation.

Ayon sa senador, sa loob ng 23 taong public service nito, palagi siyang tumutupad sa rules at batas ng bansa.

“Susunod tayo sa batas sa lahat ng pagkakataon. Ito ang ating prinsipyo bilang isang lingkod-bayan sa loob ng mahabang panahon,” aniya.

Noong nakaraang linggo, kumalat sa social media ang isang video mula sa Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) na isang SUV na may “7” protocol plate ang tumakas sa paghuli matapos itong pumasok sa EDSA busway sa Guadalupe Station at tinangka pang sagasaan si Secretariat Sarah Barnachea ng DOTr-SAICT dakong alas-6:58 ng gabi.

Sinabi ng LTO na peke ang ginamit na 7 protocol plate, ayon kay Senate President Francis Escudero.

Natuklasan na isang Angelito Edpan, 52, ang drayber ng SUV na empleyado ng Orient Pacific Corporation na nagmamay-ari sa sasakyan.

Inihayag ng LTO na nakarehistro ang sasakyan sa   Orient Pacific Corporation. Natuklasan din na presidente ng naturang kompanya si Kenneth T. Gatchalian, kapatid ng senador at kandidato bilang kongresista sa lungsod. Ernie Reyes