MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate President Sherwin Gatchalian na gawing mas localized at targeted ang pagsususpinde ng klase sa halip na ‘system-wide’ ang suspensyon.
Aniya, mahalagang maiwasan ang learning loss lalo na’t paulit-ulit na naaantala ang face-to-face classes dahil sa masamang panahon.
“Nakababahala na! Naiintindihan natin na kailangang unahin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro, pero kapag masyadong malawak ang
suspensyon ng klase, maaari nitong palalain ang learning loss,” ani Gatchalian.
Kung ligtas naman aniya ang isang lugar, dapat payagang magpatuloy ang klase sa mga paaralan o lugar na hindi apektado ng masamang panahon.
Sa nakalipas na 30 araw, umabot sa halos 20 araw na face-to-face learning ang naantala sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa mga suspensyon ng klase.
Ayon din sa pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), nasa average na 30 hanggang 50 araw ng klase mula sa 180-araw na school calendar ang nawawala kada taon dahil sa class suspensions sa nakalipas na dalawang taon.
“Bagama’t kailangang unahin ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral tuwing may kalamidad, kailangan din nating tiyaking tuloy ang edukasyon sa mga lugar na ligtas naman para magpatuloy ang klase,” sabi ni Gatchalian.
Sa ilalim ng 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 53), isinusulong din ni Gatchalian na bigyan ng responsibilidad ang mga local school board na tiyaking mabilis, maayos, at nakaangkop sa pangangailangan ng bawat lugar ang mga hakbang para maipagpatuloy ang basic education tuwing may sakuna, kalamidad, o emergency. Ernie Reyes