NGAYONG panahong sunod-sunod ang pag-ungkat sa mga anomalya at katiwalian sa ilang sangay ng pamahalaan tulad ng kontrobersyal na “ghost flood-control project” sa Davao Occidental, isang tanggapan ang tahimik ngunit matatag na gumagalaw: ang Philippine National Police sa pamumuno ni PNP Acting Chief PLtGen Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr.
Sa halip na maging bahagi ng problema, malinaw na pinatunayan ng PNP na sila ay bahagi ng solusyon.
Ang agarang pahayag ni Nartatez na handa silang tumugon sa anomang kautusan ng korte, kabilang ang pagsisilbi ng warrant of arrest sa mga sangkot sa anomalya, ay nagpakikita ng isang institusyong hindi natitinag ng pangalan, posisyon o kapangyarihan.
Ito ang PNP na hindi nag-aatubiling magsagawa ng tungkulin subalit may buong paggalang sa ‘due process’, karapatang pantao, at ‘presumption of innocence’.
Hindi emosyon, hindi pulitika, kundi batas ang batayan.
Ang mariing suporta ng PNP sa pamumuno ni Nartatez sa imbestigasyon ng Office of the President, Ombudsman, at iba pang ahensya ay isang malakas na mensahe: handa silang makipagtulungan, hindi magtatago. Handang magbigay ng ebidensya, hindi manisi. Handang tumulong sa pag-angat ng katotohanan, hindi baluktutin ang proseso.
Sa pamumuno ni Nartatez, makikita natin ang isang pulisya na hindi lamang “reactive,” kundi proaktibong katuwang ng bayan. Sa paghimok sa publiko na makipagtulungan lalo na sa mga may kaalaman o impormasyon sa anomalya, ipinakikita ng PNP na hindi lamang ito makinarya ng estado subalit isa itong institusyong nakikinig at katuwang ng mamamayan.
Ito ang uri ng leadership na matagal nating hinintay: tahimik ngunit matatag, mahinahon pero may paninindigan, at higit sa lahat, may direksyon.
Sa kabila ng hamon ng disimpormasyon, intriga, at pulitikal na tensyon, nananatiling matibay ang PNP sa kanilang mandato na maglingkod at magprotekta. At habang nagpapatuloy ang laban kontra korapsyon, malinaw na ang PNP sa ilalim ni Nartatez ay hindi magpagagamit, hindi matitinag, at hindi maliligaw sa tungkulin.
Kung ganito ang polisiya at kultura ng pulisya sa Bagong Pilipinas—Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman—may dahilan tayong maniwala na unti-unti, muling nabubuo ang tiwala ng publiko.
At sa bansang matagal nang naghahanap ng hustisya, ang ganitong uri ng pamamalakad sa PNP ang tunay na nagbibigay pag-asa.






