KAHANGA-HANGANG tunay ang ipinamalas ng kabataang Infanteño sa larangan ng martial arts sa nagdaang “3rd Tuguegarao Invitational Kyokushin Ryu Full-Contact Tournament & Kickboxing Championship”.
Sa panahong napakaraming tukso at patibong para sa kabataan—mula sa basag-ulo, pasaway at nakaiiritang gawain, at ipinagbabawal na gamot—ang pagkakaroon ng disiplina at makabuluhang aktibidad tulad ng isports ay isang mabisang sandigan. At dito nagningning ang tatlong batang atleta mula sa Infanta, Quezon.
Bagama’t tatlo lamang ang opisyal na delegado, nag-uwi sila ng karangalan na tila ba kinausap ang mundo na a”ng tagumpay ay hindi nakasalalay sa dami, kundi sa puso at pagsusumikap.”
Nakuha ni Andrei Buerano ang gold medal sa kickboxing at championship sa kyokushin karate; si Rodney Flora naman ay nagkamit ng silver medal sa kickboxing at isa ring champion sa kyokushin karate; samantalang si Joe Coronado ay nag-uwi ng silver sa kickboxing (draw), third place sa kyokushin karate, at ang prestihiyosong Bushido Award.
Sa kabuuan, nakamit nila ang 1 kickboxing champion, 2 kyokushin karate champions, 2 gold medals, 2 silver medals, isang Bushido Award, at higit sa lahat, ang 1st Runner-Up Overall Team Award—ang ikalawang pinakamalaking tropeo sa buong kompetisyon.
Malinaw na ang tatlong batang ito ay hindi lamang lumaban para sa sarili. Lumaban sila para sa kanilang bayan, para sa kanilang pangarap, at para patunayan na ang kabataang Infanteño ay may kakayahang makipagsabayan saanman dalhin ng tadhana.
Isa itong patunay na kapag ang kabataan ay inalagaan, sinuportahan, at binigyan ng oportunidad—sila mismo ang mag-aangat sa pangalan ng kanilang komunidad.
Malaki ang pasasalamat sa buong suporta ni Hon. Mayor L.A. Ruanto, na buong puso at walang pag-aalinlangan na sinuportahan ang mga batang atleta. Ang ganitong uri ng pamumuno ay nagbibigay ng malinaw na mensahe: mahalaga ang kabataan, at mahalaga ang kanilang kinabukasan. Dahil dito, nagkaroon ng lakas ng loob ang mga atleta na harapin ang isang prestihiyosong kompetisyon at iuwi ang karangalan.
Hindi rin matatawaran ang papel ni Sensei/Coach Joffren M. Buerano, na nagbigay ng disiplina, tamang pag-uugali, at matatag na pundasyon upang maging tunay na full-contact warriors ang mga atleta. Ang kanyang dedikasyon ay malinaw na nakapaloob sa bawat medalya at tropeong kanilang nakuha.
Kung ang tagumpay ng tatlong kabataang Infanteño ang pagbabasehan, maliwanag na may matibay na hinaharap ang Infanta. Ang kanilang kwento ay hindi lamang tungkol sa panalo—ito ay kuwento ng pag-asa, disiplina, at dangal na magsisilbing inspirasyon sa susunod pang henerasyon.






