MANILA, Philippines — Naglunsad ng imbestigasyon ang Department of Agriculture (DA) kaugnay ng hinihinalang “ghost” farm-to-market road (FMR) project sa Guinobatan, Albay matapos matuklasan ng audit na hindi ito naipatupad sa aprubadong lokasyon.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., isinagawa ang inspeksyon sa Barangay Lower Binogsacan noong Lunes matapos makita ng internal audit service na ang isang kilometrong FMR ay inilipat sa ibang lugar.
“Sinabi sa aming mga auditor na inilipat ang kalsada sa kahilingan ng dating kinatawan ng distrito noong Abril 2021, na binanggit ang hindi natukoy na right-of-way at mga hadlang sa kapaligiran na diumano ay humahadlang sa proyekto,” aniya.
Nakatuwang ng audit team sa inspeksyon ang mga opisyal mula sa Department of Public Works and Highways at Regional Agricultural Engineering Division sa sinasabing relocation site.
Napag-alaman din na ang lugar ay may marker na “2019 FMR,” na nagdulot ng karagdagang pagdududa sa timeline at pagiging tunay ng proyekto.
Samantala, na-flag din ng audit team ang isang FMR project sa Camarines Sur dahil sa posibleng overpricing, kung saan sa kabila ng halagang P14.6 milyon ay 74.3 metro lamang ng single-lane road at 32 metro ng double-lane road ang natapos.
Sinabi ni Tiu Laurel na patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan at maiwasan ang katulad na iregularidad sa mga susunod na proyektong pang-imprastraktura.
“Ito mismo ang dahilan kung bakit pinalalakas natin ang pangangasiwa sa mga proyekto ng FMR,” aniya. “Ang mga magsasaka ay karapat-dapat sa imprastraktura na aktwal na umiiral-at gumagana.” Santi Celario