Home NATIONWIDE Ginang hinampas ng tubo sa harap ng anak, patay

Ginang hinampas ng tubo sa harap ng anak, patay

MANILA, Philippines – Hinampas umano ng bakal na tubo ang isang ginang ng live-in partner nito sa harap mismo ng kanilang walong taong gulang na anak ng babae sa Sta Cruz, Maynila nitong Sabado ng gabi, Hunyo 1.

Kinilala ang biktima na si Analie Paje, nasa hustong gulang at nanunuluyan sa isang bahay sa 904 Oroquieta St., Brgy. 312, Sta. Cruz, Maynila.

Batay sa ulat ng Manila Police District – Homicide Section, nadiskubre ang malamig na bangkay ng biktima alas-10 ng umaga ng Linggo.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, nalaman na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at live-in nito na si alyas Ricardo sa loob ng kanilang kuwarto sa Room 10 ng nasabing bahay nang biglang kumuha ng bakal na tubo ang suspek sa ilalim ng kanilang kama saka inihampas sa ginang sa likod at ulo.

Ito ayon sa pahayag ng bata sa pulisya na naroon nung mangyari ang insidente.

Pagkatapos nito ay kumuha ng mga damit ang suspek maging ang pera ng biktima ay tinangay din pati ang piggy bank ng kanilang anak na testigo ay kinuha rin saka agad umalis saka sila pinadlock sa bahay.

Sinubukan ng bata na magpasaklolo sa kapitbahay ngunit hindi naging matagumpay.

Sinubukan din niyang gisingin ang kanyang ina ngunit hindi nagising kaya natulog na lamang ang paslit at nagising bandang alas-10 na ng umaga ng Linggo nang pagbuksan sila ng mga kapitbahay.

Dito na nadiskubre ang biktima na wala nang buhay. Jocelyn Tabangcura-Domenden