CEBU CITY- Mistulang manok na ginilitan sa leeg ang isang ginang ng kanyang mister dahil umano sa matinding selos, iniulat kahapon sa Talisay City.
Hindi na umabot pang buhay nang dumating sa ospital ang biktimang kinilala sa pangalan Ana, 30, habang nadakip ang suspek at mister nitong si Roston, 38, kapwa nakatira sa T. Padilla, Cebu.
Batay sa report ng Talisay Municipal Police Station, dakong alas-5 ng hapon nang maganap ang krimen sa kalsadang sakop ng Washington St., Barangay Poblacion, Talisay City.
Ayon sa saksing si kay Jeffrey Villoria, 42, bago ang krimen ay nakita niya ang dalawang naligo sa dagat at nag-iinuman.
Makalipas ang ilang minuto, umahon na sa tubig ang dalawa at habang naglalakad ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mga ito.
Dito, bigla na lamang nilaslas ng suspek ang leeg ng biktima dahilan para duguan itong bumagsak sa lupa.
Humingi naman ng tulong sa mga residente si Villoria at hinarang nila ang suspek na nagresulta sa pagkakadakip nito.
Isinugod naman sa ospital ang biktima subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.
Sa himpilan ng pulisya, sinabi ng suspek na may kabit ang kanyang misis kaya niya ito nagawang patayin.
Nahaharap ngayon sa kasong murder ang suspek. Mary Anne Sapico