MANILA, Philippines – Nag-viral sa social media ang magkahiwalay na mga larawang nagpapakita kina Senadora Imee Marcos at dating Presidential Spokesperson Harry Roque na kasama si David Tan Liao, ang lalaking kasalukuyang iniimbestigahan kaugnay ng umano’y kasong pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que at sa kanyang driver na si Armanie Pabillo.
Ang mga larawan, na unang ibinahagi ng X (dating Twitter) account na “Thirty One Million,” ay kuha umano sa isang pampublikong pagtitipon kung saan makikita sina Marcos, Roque, at Liao na magkasamang naka-“V” sign.
Hindi malinaw kung kailan at saan eksaktong kinunan ang mga ito, at sa ngayon ay wala pang opisyal na pahayag mula sa alinmang panig hinggil sa konteksto ng naturang mga larawan.
Si David Tan Liao ay sumuko sa mga awtoridad nitong Sabado, ayon sa Philippine National Police (PNP). Naaresto rin ang dalawa niyang umano’y kasamahan na sina Richardo Austria David at Raymart Catequista sa Roxas, Palawan nitong Biyernes. Ang mga ito ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP Anti-Kidnapping Group habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon sa ulat ng PNP, dalawa pang Chinese nationals na posibleng sangkot sa kaso ang patuloy na tinutugis. Napag-alamang huling nakita sina Que at Pabillo noong Marso 29 sa Valenzuela City. Kinabukasan, nakatanggap ng ransom demand ang pamilya ni Que na umabot sa $20 milyon. Sa kabila ng pagbabayad umano ng ransom, natagpuan ang mga bangkay ng mga biktima sa Rodriguez, Rizal noong Abril 9.
Sa ngayon, iniimbestigahan ng mga awtoridad ang lahat ng anggulo ng kaso. RNT