Home METRO Ginang patay sa karelasyong pulis; suspek nagbaril sa sarili

Ginang patay sa karelasyong pulis; suspek nagbaril sa sarili

NEGROS OCCIDENTAL- Patay ang isang ginang matapos mabaril ng kanyang kinakasamang pulis saka nagpatiwakal ang huli sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili kagabi (Huwebes) sa baya ng Villadolid.

Kinilala ang nasawi na sina Ruby Redil, 33-anyos, biyuda, ng Purok Camia, Brgy. Poblacion, Villadolid at Police Master Sergeant Larry Juno, 40, kasapi ng Iloilo City Police Station 5, Mandurriao, Iloilo CPO, residente ng Barangay Doldol, ng nabanggit na bayan.

Batay sa report ng Villadolid Municipal Police station, bandang alas-7:42 ng gabi noong Marso 20, 2025, naganap ang insidente sa tinitirhang bahay ni Redil.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek na nauwi sa pamamaril.

Nakita ito ng 10-anyos na anak ni Redil kaya dali-dali niyang binuhat ang kanyang isang taong gulang na kapatid na anak nina Redil at Juno.

Humingi siya ng tulong sa kanilang mga kapitbahay at agad na ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.

Sa pagresponde ng mga pulisya sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ay naabutan nilang parehong naliligo sa sariling dugo ang dalawa at service firearm ni Juno na Glock 17.

Isinugod naman sa ospital ang dalawa subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ng hininga ang mga ito.

 Patuloy naman ang ginagawnag follow-up investigation ng pulisya sa naturang insidente. Mary Anne Sapico