Home METRO Ginang pisak sa dump truck sa QC

Ginang pisak sa dump truck sa QC

1
0

MANILA, Philippines — Patay ang isang babae matapos mabangga at magulungan ng isang dump truck habang tumatawid sa pedestrian lane sa Quezon City noong Hunyo 15.

Batay sa CCTV footage na kuha sa Barangay Commonwealth, makikitang may mga sasakyang dumaraan at mga pedestrian na tumatawid nang mangyari ang insidente.

Habang papasok sa pedestrian lane ang dump truck, biglang sumulpot ang biktima. Sa kabila ng mabagal na takbo ng sasakyan, nabangga at tuluyang nagulungan ang babae.

Agad na bumaba ang driver at pahinante ng truck upang tingnan ang nangyari.

Ayon sa salaysay ng driver sa mga awtoridad, inakala niyang nalubak lamang ang kanyang sasakyan kaya ipinagpatuloy niya ang pagmamaneho.

Sinabi rin niyang pinatigil siya ng isang traffic enforcer at muli lamang umandar matapos siyang bigyan ng go signal.

“Nagtaka na lang po ako na may kumalabog sa likurang bahagi ng kwan, hindi ko naramdaman talaga. Noong tumingin po ako sa side mirror, nakita ko na po at bigla po akong tumalon. Bumaba sa truck at pinuntahan ko,” ani ng driver.

Humingi rin siya ng tawad sa pamilya ng biktima.

“Mensahe ko lang po sa kamag-anak, humihingi na lang po ako ng kapatawaran sa inyo sa nangyari dahil may magulang din po ako. Kahit sa akin naman po mangyari masakit po. Ngayon buong puso po ako humihingi ng tawad sa inyo at nakikiramay po ako sa inyo,” dagdag niya.

Ayon kay Police Captain Paul Norman Larugal, Deputy Chief ng Traffic Sector 5 ng Quezon City Police District (QCPD), may pananagutan ang mga motorista na maging mapagmatyag sa mga pedestrian.

“Pedestrian po kasi iyon. So, concern po ng motorista na maging aware sa mga tumatawid. Ang nangyari tuloy, hindi niya napansin talaga na may tumatawid doon kaya po na-run over po iyong biktima,” ani Larugal.

Idineklara ng mga rumespondeng medical personnel na dead on arrival ang biktima.

Nasa kustodiya na ng Traffic Sector 5 ng QCPD ang driver at sumasailalim sa inquest proceedings para sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here