MANILA, Philippines – Sinabi ng LTFRB na sisiyasatin ng ahensya ang nahuli-cam na gitgitan ng modern jeep at bus na nag-ugat umano dahil sa agawan sa pasahero sa España, Manila nitong Linggo.
Kaugnay nito, ang opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ay sinabing makikita sa video ang elemento ng road rage.
Nabatid sa video footage, makikita ang konduktor ng modern jeep na bumaba at kinausap ang driver ng bus. Pero maya-maya lang, dinikitan ng bus ang modern jeep.
Nang umabante na ang dalawang sasakyan, tuluyan nang ginitgit ng bus ang modern jeep. Pero nang makaabante ang bus, ang jeep naman ang dumikit sa bus.
Ayon sa driver ng modern jeep na si Ronaldo Rocco, hinaharangan sila ng driver ng bus sa pagkuha ng mga pasahero sa bahagi pa lang ng Morayta.
Sinabi sa ulat na pinatawan na ang driver ng modern jeep ng pitong araw na preventive suspension nang walang sahod.
Ayon naman sa kompanya ng bus, sinibak na nila ang driver na sangkot sa insidente.
“Driver ang may problema nadamay pati yung bus na iyon,” ayon kay Marvin Diamitas, operation manager ng AST Trans.
Kaugnay nito sinabi ni Atty Teofilo Guadiz III, chairman ng LTFRB, ipatatawag nila ang dalawang kompanya para pagpaliwanagin. Maaari umanong masuspinde ng isang buwan ang mga unit nito.
Inihayag din ng opisyal na makikita ang elemento ng road rage sa nangyaring insidente.
Ayon pa sa opisyal, pag-aaralan din umano ng LTFRB kung nagsasapawan ang ruta ng mga modern jeep at bus na iniiwasan daw sa ilalim ng PUV modernization program. Santi Celario