Manila, Philippines – Kakaibang pakilig sa moviegoers ang hatid nina Glaiza de Castro at Rhian Ramos sa pelikulang “I Fell, It’s Fine.”
Ito ay isang GL movie na pinamahalaan at isinulat ni Direk Sigrid Andrea Bernardo.
Maraming kaabang-abang na eksena at highlight ang nasabing pelikula pero siyempre, interesado ang marami sa intimate scene rito nina Rhian at Glaiza.
Actually, todo-bigay ang dalawa sa kanilang intimate scene dahil komportable na raw sila sa isa’t isa.
Sa ginanap na premiere night ng pelikula noong March 24, matinding pakilig at hiyawan ang maririnig sa manonood lalo na sa fans ng dalawang aktres sa sunod-sunod na tukaan nila sa movie.
Ang I Fell, It’s Fine ay kuwento ng pag-ibig na nakatuon sa karanasan ng dalawang babae sa loob ng LGBTQIA+ community.
Ginagampanan ni Rhian ang papel na Chicks at si Glaiza naman bilang si Anne, na nagma-manage ng isang resort.
Sa mahiwagang pagsulpot ni Chicks sa buhay ni Anne, nagsimula ang twist ng pelikula.
Inusisa sila kung paano pinaghandaan ang kanilang intimate scenes?
Tugon ni Rhian, “Nag-tootbrush, gargle… throat spray, hahaha! Paano ba, do you remember? Pinag-usapan ba natin?” tanong niya sa katabing si Glaiza.
Wika ni Glaiza, “More technical lang siguro po. In terms of iyong mga blocking, siyempre may mga camera na kailangang i-consider, yung ilaw, yung angle. So, more technical… then si Direk naman ay very clear naman about kung ano iyong nae-envision niya para sa amin.
“Pero iyon din, parang kinailangan ko na i-check kung okay ba iyong… kung may amoy ba ako, mabango ba ako, presentable ba ako?”
Hirit naman ni Rhian, “That’s respect, hindi ba, respect?”
Esplika pa Glaiza, “Pero may isang eksena rin kami roon sa intimate scene na tawa lang kami nang tawa. Siguro natatawa kami sa sarili namin, kinikilig kami sa isa’t isa, ganoon.
“Kasi parang it’s ano eh, very new to me rin especially on screen.
“Ang masasabi ko lang, komportable ako kay Rhian and I’m just so glad na siya iyong kaeksena ko.”
“And I can attest na ang bango ni Glaiza roon,” nakatawang hirit naman ni Rhian.
Ang pelikulang I Fell. It’s Fine ay mula sa Wide International Film and Entertainment na ang producers ay sina April Martin at Pauline Publico. Showing na ito sa mga sinehan sa April 4.
Tampok din dito sina Rafael Rosell, Queenay Mercado, Alchris Galura, Ice Arago, at Ms. Elizabeth Oropesa. Nonie Nicasio