MANILA, Philippines — Pinaghahandaan na ng gobyerno ang posibleng paglala ng El Niño na maaaring umabot sa “very strong” category bago matapos ang 2026 at magpatuloy hanggang unang kalahati ng 2027.
Ayon sa PAGASA, kasalukuyang moderate to strong ang El Niño sa Tropical Pacific at maaari itong tumindi sa mga susunod na buwan. Maaari itong magdulot ng below-normal rainfall, dry spell at tagtuyot sa ilang bahagi ng bansa.
Kabilang sa mga naghahandang sektor ang agrikultura, kung saan naglaan ang Department of Agriculture (DA) ng P6.2 bilyon para sa fuel at fertilizer assistance sa mga magsasaka at mangingisda bilang paghahanda sa epekto ng El Niño at mataas na presyo ng langis. Nakatanggap na ang DA ng Special Allotment Release Order para sa pondo.
Humihingi rin ang DA ng karagdagang P3.5 bilyon para sa pagtatayo ng solar-powered irrigation facilities sa mga lugar na kulang sa irigasyon at maaaring maapektuhan ng dry spell.
Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na target ng pamahalaan na ituon ang mga intervention sa mga lugar na higit na nangangailangan upang mapanatili ang produksyon ng pagkain sa kabila ng epekto ng El Niño.
Nagbabala rin ang PAGASA na ang matinding El Niño ay maaaring magresulta sa kakulangan sa tubig at iba pang epekto sa mahahalagang sektor, dahilan upang hikayatin ang publiko at mga ahensya na maghanda at magtipid sa paggamit ng tubig.
Ayon kay PAGASA weather specialist Chris Perez, mahalaga ang patuloy na monitoring at maagang pagpaplano upang makapaghanda ang publiko at iba’t ibang sektor sa posibleng epekto ng matagal na kakulangan sa ulan.
Patuloy namang babantayan ng PAGASA ang kondisyon ng El Niño at maglalabas ng mga kaukulang climate advisory habang nagbabago ang sitwasyon. RNT