
HINDI maganda ang nagaganap sa gobyerno, kahit saan may gulo.
Saan kaya patutungo ang bayan kong mahal sa nagaganap na ganito?
SA SENADO
Nagbabangayan ang mga senador sa paggawa ng bagong gusali para sa Senado o New Senate Building kung tawagin.
Ang pangunahing punto rito, eh, palobo nang palobo umano ang gastos sa paggawa ng NSB na ngayo’y umaabot na sa P23 bilyon.
Anak ng tokwa, diyan sa Senado nakikita ang masisitsit sa pagbusisi sa gawa umanong iligal at korapsyon ng ibang mga tao.
Pero ngayon, silang mga senador naman ang pinagdududahan ng mga tao sa pinag-aawayang paglobo ng gastusin para sa kanilang opisina.
Tanong ng mga tao: May kumikita ba o korap na mga senador diyan?
SA COMELEC
Ayon naman kay Sagip Partylist Rodante Marcoleta, may mataas na opisyal ng Comelec na kumita ng nasa P1 bilyon kaugnay ng automated election sa mga darating na halalan.
Nagkaroon umano ng mga bank account ang isang opisyal sa abroad: Singapore, Hong Kong, China, Caribbean at North America.
Nagsimula umanong makargahan ang mga bank account ng daan-daang libo o milyong dolyar sa mga desisyon na pagdiskwalipay sa Smartmatic at pagkwalipay naman sa Miru bilang suplayer ng vote counting machines, kasama na ang pagdeklara na hindi na pupwede ang mga makina ng Smartmatic at pag-okey sa mga makina ng Miru.
Maghintay na lang tayo ng mga nakaririnding balita sa korapsyon dito…kung meron man.
SA PULISYA AT LGU
Nagkakagulo rin sa pulisya at local government unit sa pagkakadiskubre sa mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operators.
Marami umano ang iligal na POGO at isinasangkot hindi lang ang mga lokal na opisyal kundi maging ang mga pulis an nawalan ng pang-amoy sa mga iligal na prostitusyon, tortyuran, cyber scam, human trafficking, kidnapping-for-ransom, iligalidad ng mga POGO at iba pa.
Kaya nga, bawat ma-raid na POGO, sinisibak din ang mga pulis na nakadestino sa mga munisipyo o lungsod na may iligal na POGO.
May mga patayan pa sa hanay ng mga pulis gaya sa Taguig City, pagpatay mismo ng mga aktibo o AWOL na pulis sa mga sibilyan gaya ng Geneva Lopez-Yitsak Cohen case sa Pampanga-Tarlac, pagkidnap-for –ransom sa Pasay City, pagkakasangkot sa droga at mga scam, kasama ang mga paluwagan iskam sa lalawigan ng Cagayan sa ilalim ni PCOL. Julio Gorospe, Provincial Director na ang misis mismo nito ay isa sa mga daan-daang biktima.
Umuusok ngayon ang ilong sa galit ni PNP chief General Rommel Marbil na noong kauupo pa lang niya ay nagsabing madisiplina at tapat sa tungkulin ang mga nadatnan niyang mga pulis.
Hindi umubra ang tuwa ni Heneral Marbil sa pagkakasibak sa PNP ng dalawang batalyong pulis bago siya umupo sa Camp Crame.
SANA NAMAN ‘DI MAHULOG SA BANGIN
Sana naman, hindi mahulog sa bangin at malumpo ang ating bansa sa mga nagaganap na ito.
Lalo na ang mga mamamayan na noong halalang 2022 ay umasa na magkaroon ng malaking pagbabago sa kanilang buhay sa pagkakaroon ng bagong gobyerno.